NAKAHIMLAY ng mga walang pangalang migrante sa mga walang markang libingan, itinambak ang mga biktima ng pagpatay sa mga mass grave, aligagang paghahanap sa mga nawawala pagkatapos manalasa ang matinding kalamidad. Sa iba’t ibang dako ng mundo, milyun-milyong pamilya ang matiyagang naghihintay upang maayos na mailibing ang kani-kanilang mahal sa buhay.
“You cannot close the book on the life of a loved one if you do not know the truth, or what the reasons were, why people went missing,” sabi ng Salvadoran diplomat na si Augustin Vasquez Gomez.
Ang kanyang bansa, na may 8,000 katao ang nananatiling nawawala ilang taon na ang nakalipas matapos ang digmaang sibil, ay isa sa mga huling bansa na lumagda sa isang tratado na nangangako ng suporta sa mga hakbangin at pagsisikap ng International Commission on Missing Persons (ICMP).
Sa Pilipinas, na isa rin sa mga lumagda sa tratado, nasa 2,000 katao pa ang nawawala simula nang manalasa ang bagyong ‘Yolanda’ sa Eastern Visayas noong Nobyembre 2013.
At bagamat ilang dekada nang suliranina ng paghahanap at pagkilala sa mga nawawala na nasawi sa mga labanan at sa pananalasa ang kalamidad, hindi kailanman natukoy ang kabuuang pandaigdigang bilang ng mga ganitong kaso.
Ang bilang ay pinaniniwalaang “staggering”—nasa 250,000 at isang milyon sa Iraq pa lamang, simula pa sa mga unang taon ng rehimen ng dating diktador na si Saddam Hussein, ayon kay Kathryne Bomberger, director general ng ICMP.
Ang organisasyon, na gumagastos sa masalimuot at kumplikadong pananaliksik sa tulong ng mga boluntaryong donasyon, ay nagsagawa kamakailan ng seminar sa mga pagsisikap nito sa paglipat ng headquarters nito sa The Hague mula sa Sarajevo.
Itinatag sa kasagsagan ng mga labanan sa dating Yugoslavia at pinagtibay noong 1996 ni noon ay US President Bill Clinton, gumamit ang ICMP ng sopistikadong DNA matching techniques upang matukoy ang mahigit sa 70 porsiyento ng 40,000 nawala sa mga digmaan sa Balkans.
At ngayon, tinatalikuran na ng grupo ang ad-hoc status nito upang maging opisyal at kinikilalang pandaigdigang organisasyon—ang nag-iisang eksklusibong nakatuon sa pagbilang sa mga nawawala sa mundo. (Agencé France Presse)