HULING araw ngayon ng Mayo—ang buwan ng mga bulaklak at pagdiriwang ng mga kapistahan. Buong buwan na binigyang-buhay at pagpapahalaga ng ating mga kababayan sa iba’t ibang panig ng bansa ang iba-ibang tradisyon at kaugalian na bahagi na ng kulturang Pilipino. Ngayong huling araw ng Mayo, bilang bahagi pa rin ng Maytime Festival, gagawin sa mga simbahan mamayang hapon ang Flores de Mayo, o Pag-aalay ng Bulaklak sa Mahal na Birhen, at ang Santacruzan.

Sa Angono, Rizal, na Art Capital ng Pilipinas mahalaga at natatangi sa kababaihan, lalo na sa mga ginang ng tahanan, ang huling araw ng Mayo sapagkat sama-sama nilang gagawin ang Flores de Mayo. Sa pangunguna ng Hermana Mayor, bahagi na ng tradisyon na sila ang nag-aalay ng mga bulaklak tuwing Mayo Uno at kung ika-31 ng Mayo.

Ang mga ginang ay nagtitipun-tipon sa tapat ng bahay ng Hermana Mayor. Hawak ang iba’t ibang bulaklak na iaalay kay Mama Mary, sabay-sabay silang maglalakad patungo sa Saint Clement Parish. Tutugtugan sila ng banda ng musiko sa simbahan. Ang Flores de Mayo ay pinangangasiwaan ng Kapitana at Tenyente—ang napiling pinakapinuno ng kadalagahan sa Angono.

Nagsisimula ang Flores de Mayo ng 4:45 ng hapon, sa pagdarasal ng Rosaryo, na pamumunuan ng isang babae. Kasunod nito ang Litanya para sa Mahal na Birhen at ang pagbasa ng namumuno sa pagdarasal ng meditation o pagninilay tungkol sa buhay-Kristiyano, halimbawa at himala ng Mahal na Birhen, na susundan ng Okalatoria o isang maikling panalangin sa Mahal na Birhen. Tatlong beses itong sinasambit. Susundan ito ng pag-awit ng choir ng mga bata ng “Dios te salve Maria, llena eres de gracia (Hail Mary full of Grace)” nang tatlong beses. Pagkatapos, ang mga ginang at iba pang mag-aalya ng bulaklak sa Mahal na Birhen ay pipila nang dalawahan sa gitna ng simbahan. Dito na sisimulang awitin ng choir ang dalit o awit ng papuri sa Mahal na Birhen.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

May siyam na saknong ang Dalit. Narito ang ilang halimbawa: Halina at magsidulog/ Kay Mariang ina ni Jesus/ At nating tanang tinubos/ Nitong Poong Mananakop/ Sintahin nati’t igalang/ Yamang siya’y ating Ina / Halina’t dumulog tayo/ Sa Birheng Ina ng Berbo/ Halina’t idulog dito/ Mga bulaklak sa Mayo/ Umasa tayo at maghintay/ Sa bawat ipagtalaga.

Ang mga nag-aalay ng bulalak ay sumasagot: “Halina’t tayo’y mag-alay ng bulaklak kay Maria.”Tinatapos ang alay sa isang awit sa Mahal na Birhen, kasunod ang misa ng pasasalamat. Bago ibigay ang bendisyon ng pari, ang imahen ng Mahal na Birhen ay winiwisikan ng holy water at pinauusukan ng insenso, sa saliw ng pag-awit ng “Regina Coeli (Reyna ng Langit)”.

Ang pagsapit at paglipas ng Mayo ay lagi nang nag-iiwan ng mga alaala at gunita sa puso ng bawat Katolikong Pilipino na may panata at debosyon sa Mahal na Birhen, tulad ng mga ginang ng tahanan sa Angono.

Ang ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rial ay may tulang papuri sa Mahal na Birhen: “Ikaw ang ligaya ng tanang kinapal/ Mariang sakdal tamis ng kapayapaan/ Bukal ng saklolong hindi naghuhumpay,/ Daloy ng biyayang walang pagkasiyahan./ Ikaw ang Ina ko, Mariang matimtiman,/ Ikaw ang buhay ko at aking sandigan,/ Sa maalong dagat ikaw ang patnubay”. (Clemen Bautista)