NAIPROKLAMA na ng National Board of Canvassers sina Pangulong Digong at Pangalawang Pangulong Leni Robredo.
Magsisimula na silang gumanap sa tungkulin sa Hulyo 1.
Kung si Robredo raw ang masusunod at maglilingkod siya sa administrasyon ni Pangulong Digong, pipiliin niyang posisyon ay iyong magpapairal ng anti-poverty program. Bagamat sinabi ni Robredo na 100% niyang susuportahan ang Pangulo, nasabi naman ng Pangulo na hindi niya kaagad masasabi kung saang posisyon niya hihirangin ang Pangalawang Pangulo dahil abala pa siya sa pagbabayad ng utang na loob sa mga tumulong sa kanya.
Pareho ang layunin ng dalawa na matulungan ang mahihirap. Ipinakita ito ng Pangulo nang sa unang press conference niya pagkatapos ng halalan ay naglaan siya ng ilang posisyon sa kanyang gabinete para sa CPP-NDF-NPA. Pero, pagkatapos na isinumite ng National Democratic Front (NDF) ang listahan ng mga rekomendado sa Presidente, dalawa na lamang ang bakante sa apat na posisyong kanyang inilaan sa CPP-NDF-NPA. Ang Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na lang ang hindi niya nahihirangan ng mga kalihim.
Pero, katanggap-tanggap na ialok niya ngayon ang Department of Education (DepEd) sa treasurer noong termino ni Pangulong Erap na si Leonor Briones. Maaaring isa ito sa mga babaeng inirekomenda ng NDF sa Pangulo na hindi niya pinangalanan nang mabasa niya ang listahang isinumite sa kanya. Nilinaw kasi ng NDF na ang inirekomenda nila ay hindi nila miyembro kundi mga taong kagaya nilang progresibo mag-isip.
Kapag ang uri ng mga taong gaya nina Leonor Briones, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas Chairman Rafael Mariano, at Teddy Casiño ang makakasama nina Pangulong Digong at Robredo sa pagpapatakbo sa gobyerno, nakatitiyak ang mga dukha na maisusulong ang kanilang interes.
Naglingkod na ang mga ito sa gobyerno sa iba’t ibang kapasidad. Kung ipinagmamalaki ni Robredo na kahit wala siya sa gobyerno ay nakasalamuha na niya at tinulungan ang mga nasa laylayan ng lipunan, ganoon din ang mga nabanggit. Ang iba nga rito ay laman na ng kalye na binabatikos ang nagpapahirap sa mamamayan, tulad ng Oil Deregulation Law. Kaya, kung tatagal ang mga ito sa gobyerno hangang sa matapos ang termino ng dalawa, magaganap ang isang radikal na pagbabago. (Ric Valmonte)