Pinagmulta ng Office of the Ombudsman (OMB) ang assistant head ng Quezon City-Department of Public Order and Safety (DPOS) matapos mapatunayan itong guilty ng QC Metropolitan Trial Court (MTC) sa pagso-solicit ng regalong Pamasko mula sa isang grupo ng tricycle driver sa siyudad.
Sinabi ng OMB na napatunayang guilty beyond reasonable doubt si Mario Miguel Sanchez dahil sa paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Kinasuhan si Sanchez matapos manghingi ng “major prize” mula sa QC Ville Arboretum Tricycle Drivers Association (TODA) para sa Christmas party ng DPOS noong 2005.
Pinagbabayad ng korte si Sanchez ng P5,000 bilang multa.
Sa ilalim ng Section 7 ng Code of Conduct, hindi pinapayagang manghingi, tumanggap, direkta o hindi direkta, ng regalo, pabor, entertainment, pautang at iba pang may halaga ang isang opisyal o kawani ng gobyerno mula sa sino mang tao na may kinalaman sa kanilang opisyal na tungkulin. (Jun Ramirez)