Binihag ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang hepe ng pulisya sa bayan ng Sigaboy sa Davao Oriental nitong Linggo ng gabi, iniulat ng pulisya kahapon.
Ayon sa report ng Davao Oriental Police Provincial Office (DOPPO), tinangay ng NPA ang hepe ng Sigaboy Municipal Police na si Chief Insp. Arnold Ongachin.
Sa ulat ng pulisya, sakay sa tatlong pick-up at elf truck ang mga rebelde nang salakayin ang nabanggit na himpilan ng pulisya.
Pinaputukan ng mga rebelde ang 14 na pulis na naka-duty at gamit ang megaphone ay sumigaw ang mga ito ng “Mabuhay ang CPP-NPA!”
Tumagal ng halos isang oras ang bakbakan makaraang manlaban ang mga pulis.
Napasok ng mga rebelde ang himpilan matapos na maubusan ng bala ang mga pulis.
Dinisarmahan ang mga pulis at nilimas ang baril sa armory.
Nasugatan sa nasabing sagupaan si PO3 John Ret Cinco, na patuloy na ginagamot sa ospital.
Tumakas ang mga rebelde tangay si Ongachin patungo sa silangang bahagi ng Sigaboy. (FER TABOY)