ZAMBOANGA CITY – Limang katao ang nasugatan—dalawang sundalo ng Marines, isang pulis, isang sibilyan at isang doktor—makaraang salakayin ng mga hinihinalang miyembro ng Aby Sayyaf Group ang klinika ng isang babaeng manggagamot sa pagtatangkang dukutin siya nitong Biyernes ng hapon, ngunit nabigo ang mga bandido.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WesMinCom) Spokesman Maj. Filemon Tan, Jr., na sumalakay ang mga hinihinalang Abu Sayyaf sa klinika ni Dr. Marian Lao sa Scott Road sa Barangay San Raymundo dakong 2:40 ng hapon nitong Biyernes, at tinangkang tangayin ang doktor.
Kinilala ang nasugatang sundalo na sina Pfc Banayad at Cpl Somcio, kapwa nakatalaga sa Marine Battalion Landing Team-10 ( MBLT10) na nakahimpil sa lalawigan.
Hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng pulis at ng sibilyan na kapwa sugatan din.
Ang dalawang sundalo at isang pulis ay pawang security escort ni Lao, habang ang sibilyan ay natamaan ng ligaw na bala habang dumadaan sa tapat ng klinika.
Sinabi ni Tan na na-airlift ang mga biktima patungo sa lungsod na ito para magamot. Binaril ang mga biktima ng dalawang hindi nakilalang bandido, gamit ang .45 caliber pistol. (Nonoy E. Lacson)