HANGGA’T maaari ay ayaw na raw sanang magsalita pa ng komedyanteng si Atak tungkol sa mga anak ng namayapang si Direk Wenn Deramas.

Hanggang ngayon kasi ay pinag-uusapan pa rin ang isyung ibabalik na lang sa DSWD (Department of Social Welfare and Development) ang mga bata.

Ayon pa kay Atak, na madalas nang napanood ngayon sa mga palabas ng Kapuso Network, maayos naman ang buhay ng mga anak ni Direk Wenn. Sa pagkakaalam ng komedyante ay naaalagaan naman nang maayos ng kapatid ni Direk Wenn ang mga bata.

Pawang menor de edad pa ang mga anak ni Direk Wenn, kaya ayon kay Atak, hindi raw puwedeng basta na lang pababayaan ng kapatid ng direktor ang mga bata.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Samantala, ipinagpapasalamat ni Atak kay Direk Wenn ang kung anumang nararating niya ngayon.

“’Yung mga payo ni Direk at ‘yung mga itinuro niya sa akin, eh, hindi ko ‘yun makakalimutan. ‘Yung mga bonding namin ni Direk. Lagi niyang ipinaalala sa akin na huwag raw makalimot magpasalamat sa Itaas sa anumang mga biyaya,”sey pa ni Atak.

Banggit din ni Atak na dahil din sa mga payo ni Direk Wenn ay tumigil na siya sa pagsusugal na naging bisyo talaga niya noon.

“Medyo gumaganda na ang buhay ko ngayon dahil tumigil na ako sa pagsusugal. Maraming blessings na pumasok. Salamat talaga sa mga paalala ni Direk Wenn sa akin,” sey ni Atak.

Lahad pa niya, naging tunay siyang kaibigan ni Direk Wenn hanggang sa mga huling sandali.

“Tunay niya akong kaibigan dahil nasamahan ko siya sa hospital hanggang sa bawian siya ng buhay. Hindi ako ‘yung kung kailan siya namatay saka na siya magpapapogi sa media,” lahad pa niya. (Jimi Escala)