NAGING usap-usapan ang diumano’y last minute na paglipat ng kampo ng tumakbong senador na si Manila Vice Mayor Isko Moreno. Ayon kasi sa kumalat na balita, nakipag-alyansa raw si Isko kay Mayor Alfredo Lim, kalaban ng kapartido niyang si Mayor Joseph Estrada sa mga huling araw ng kampanyahan.
Kaya sa halip daw na sa sumuporta sa kanya na si Mayor Erap, bumaligtad daw bigla si VM Isko at nakipag-usap kay dating mayor Alfredo Lim. Sumama raw ang loob ni Erap sa kasamahang aktor sa last minute na pagbawi ng suporta sa kanya ni Isko.
Kaya nang mapasyal kami sa opisina ni VM Isko sa Manila City Hall ay ito agad ang naitanong namin sa isa sa kanyang trusted staff. Hindi kasi namin naabutan si VM Isko na nakaalis na raw para sa isang meeting.
“Hindi totoo ‘yan. Maski kayo po, eh, alam n’yo na hanggang sa last day ng kampanyahan, eh, si Mayor Erap ang sinusuportahan ni Vice,” sey ng kausap naming staff.
Dagdag pa niya, hindi puwedeng talikuran ni Isko ang dating pangulo dahil malaki ang pinagsamahan nila. Malaki raw ang respeto ni Isko kay Erap.
Kung gusto raw ni Isko na ilaglag si Mayor Erap, dapat ay nu’ng bago pa man ang kampanyahan na may mga partido rin naman na diretsong kumausap sa aktor at pulitiko.
Pakiusap sa amin ng trusted employee ni VM Isko, sana raw ay tigilan na ang pang-iintriga kay Isko.
“Tanggap na ng boss namin na kinulang kami sa boto at hindi siya napasama sa mga nanalong labindalawang senador pero nakakagulat din naman ang laki ng natanggap niyang boto,” sey pa ng kausap namin.
Sa tanong naman namin kung ano ang plano ngayon ni VM Isko come July 1 na uupo na ang bagong vice mayor ng Manila ay napailing na lang ang kausap namin.
“Well, magpahinga muna siya at pamilya niya muna ang mga kasama niya pero babalik din siya sa pagsisilbi sa tao, hintayin na lang natin,” banggit pa niya. (JIMI ESCALA)