BAGO pa man manumpa sa tungkulin bilang pangulo ng Pilipinas sa Hunyo 30, mahaharap si Rodrigo Duterte sa isang kritikal na paghamon sa kanyang pamumuno sa Hunyo 13. Ito ang palugit ng Abu Sayyaf para bayaran ang ransom ng mga biktima ng pagdukot na kanilang binihag walong buwan na ang nakalilipas mula sa isang resort sa Samal Island, malapit sa Davao City.
Noong nakaraang buwan, pinugutan ng Abu Sayyaf ang Canadian na si John Ridsdel matapos na hindi mabayaran ang hinihingi nitong ransom. Sinabi ng grupo na kung patuloy na babalewalain ang hinihiling nilang ransom ay muli nilang pupugutan ang isa sa tatlo pang natitirang bihag nila mula sa Samal—ang Canadian na si Robert Hall, ang Norwegian na si Kjartan Sekingstad, at ang Pilipina na si Marites Flor—sa ganap na 3:00 ng hapon sa Lunes, Hunyo 13. Wala nang dalawang linggo ang hinihintay bago ang nasabing petsa.
Sa katunayan, ang banta ng Abu Sayyaf ay nananatiling problema ng administrasyong Aquino, ngunit sa huling video na isinapubliko ng Abu Sayyaf, umapela si Hall ng tulong mula kay Duterte. “We have a hundred people heavily armed around us all the time,” sinabi niya sa video. “We have been humiliated in every way possible. One of us has already been murdered. We hope you can work on our behalf as soon as possible to get us out of here. Please, the sooner the better.”
Noong unang bahagi ng nakaraang linggo ay tumawag si Canadian Prime Minister Justin Trudeau kay President-elect Duterte upang batiin ang huli sa pagkakapanalo sa eleksiyon. Sinamantala naman ni Duterte ang pagkakataon upang humingi ng paumanhin sa opisyal kaugnay ng pagkakapugot sa bihag na Canadian na si Ridsdel. “We will try to see that nothing like this will happen again,” aniya.
Sinabi ni Duterte na sinisikap niyang kausapin ang kanyang kaibigang si Nur Misuari, chairman ng Moro National Liberation Front (MNLF), na nagpatindi sa espekulasyon na hihingi siya ng tulong kay Misuari. Tumulong ang MNLF sa pagpapalaya kamakailan sa ilang Indonesian na binihag din ng Abu Sayyaf.
Nakipagkasundo ang administrasyong Aquino sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at nabuo ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL), ngunit hindi nakikipag-usap sa iba pang armadong grupo sa Mindanao, kabilang ang Abu Sayyaf.
Kapag inako na ni Duterte ang lahat ng responsibilidad at kapangyarihan sa gobyerno sa Hunyo 30, sinabi niyang agad niyang reresolbahin ang usapin sa Abu Sayyaf sa katimugang Mindanao. Ngunit bago ito, poproblemahin muna natin ang palugit ng mga bandido sa Hunyo 13 at ang banta nitong pupugutan din ang isa sa mga bihag nito. Maaaring hindi pa siya ang pangulo ng bansa ngunit umasa tayong makasusumpong siya ng paraan, sa tulong ng kabutihan ng ibang tao, upang maisalba ang buhay ng mga dinukot sa Samal na labis na nagdurusa sa poder ng mga bandido simula noong Setyembre 21, 2015.