Dahil hindi pinayagan ng Sandiganbayan Fifth Division na makadalo siya sa kaarawan ng kanyang ina noong nakaraang taon, iginiit ng prosekusyon na walang dahilan upang paboran ng anti-graft court ang hiling ni Sen. Jinggoy Estrada na makadalo sa birthday celebration ni dating Sen. Loi Ejercito Estrada sa Sabado, Hunyo 4.

Sa kanilang pagkontra sa mosyon ni Estrada na humihiling ng furlough, pinaalalahanan ng prosekusyon ang Sandiganbayan na hindi nito pinayagang makadalo ang senador sa selebrasyon ng ika-86 na kaarawan ng ina nito noong Hunyo 4, 2015.

“While the undersigned prosecutors commiserate with the desire of accused to be with his mother on her birthday, it must be recalled that a similar motion was filed on May 7, 2015 and denied by this Honorable Court in its Resolution dated June 4, 2015,” iginiit ng prosekusyon.

“Verily, to depart from the abovementioned Resolution would create an impression to the public that Senator Estrada, being a high-ranking public official is a favored detainee over and above other similarly situated detainees,” dagdag nila.

National

Dela Rosa at Marcoleta, binisita si OVP Chief of Staff Zuleika Lopez sa ospital

Sa resolusyon na inilabas noong 2015, iginiit ng Fifth Division na si Estrada, tulad ng ibang bilanggo, ay nalimitahan ang kilos at galaw.

Ayon sa prosekusyon, hindi magiging maganda sa mata ng publiko ang sistema ng hustisya sa bansa kung papayagan ng Sandiganbayan na makadalo si Jinggoy upang makadalo sa selebrasyon, kahit pa malapit ang lugar ng pagdarausan ng birthday party sa Camp Crame Detention Center.

Sa kanyang huling mosyon, humiling si Estrada ng apat na oras na furlough—mula 8:00 ng gabi hanggang hatinggabi sa Hunyo 4—upang makadalo sa thanksgiving mass at salu-salo sa kaarawan ni Ginang Estrada sa 409 Shaw Blvd., Mandaluyong City.

Si Jinggoy ay kasalukuyang nahaharap sa kasong plunder at 11 counts of graft kaugnay ng kontrobersiyal na pork barrel scam. (Jeffrey Damicog)