Kakailanganin ni President-elect Rodrigo Duterte ang malaking puwersa ng dalawang dibisyon ng militar at 3,000 pulis sa pagsugpo sa kriminalidad, at sa pagpapanatili ng seguridad sa bansa.
Ito ang inihayag ni Duterte nitong Sabado ng gabi sa isang press conference sa Hotel Elena sa Davao City, bagamat tumanggi siyang banggitin kung sa anong partikular na mga operasyon o misyon niya gagamitin ang pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar.
“I would need two divisions and 3,000 policemen. I have a task for them,” sabi ni Duterte.
Idinagdag niya: “I have to improve the Armed Forces of the Philippines (AFP) and the PNP (Philippine National Police). Paano ko gamitin ‘yan, sa akin muna.”
Binigyang-diin ni Duterte na ang kanyang plano na palakasin pa ang AFP at PNP ay hindi nangangahulugang isasabak sa digmaan ang bansa. “I do not expect a war with anybody.”
Ngunit sinabi niya: “It has something to do with the security of the nation.”
Sa parehong press conference, inamin ni Duterte na ang bansa ay nasa “crisis” sa “war against drugs” at ito ang kanyang lalabanan.
Sinabi rin niya na napansin niya ang pagdami ng insidente ng pagtugis at pag-aresto sa malalaking illegal drug activity sa bansa.
Hiniling pa niya sa ilang kasapi ng media na naroon na magprisinta ng mga ulat tungkol sa paglaban ng pulisya sa ipinagbabawal na droga sa buong bansa.
“Ilan na ba ang namatay?”tanong ni Duterte.
Nang sabihin na mayroong walo na suspek sa illegal drugs ang nahuli kamakailan ng mga pulis, bumuwelta ang tinaguriang “The Punisher” na, “’Di nadagdagan (ang listahan)? (ROCKY NAZARENO)