Tiwala si incoming Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Perfecto Yasay Jr. na mapapahupa ang tensiyon sa West Philippine Sea (WPS, South China Sea) kung magkakaroon ang Pilipinas ng bilateral talks sa China, na pinaninindigang posisyon ni incoming President Rodrigo Duterte at matagal nang iginigiit ng Beijing.

Matapos dumalo kahapon sa pulong kay outgoing at interim DFA Secretary Jose Rene Almendras, sinabi ni Yasay na panahon na para magkaroon ng bilateral negotiations ang Pilipinas at China.

“We have always been pursuing this and I don’t see why we should stop it. This is necessary. I don’t think there is any other way of resolving this except talking to each other,” pahayag ni Yasay.

Ang huling pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at China ay nang bumisita si Pangulong Aquino sa Beijing noong 2014.

National

'Pilipino po ba kayo?' PCG Spox, binanatan Pinoy trolls na pumapanig sa China!

Idinugtong ni Yasay na sa kanyang pang-unawa, may ilang rason kung bakit nasuspinde ang bilateral talks sa China, ngunit hindi niya alam kung ano ang mga ito.

Sa ngayon, patuloy ang pakikipagpulong ni Yasay sa iba’t ibang concerned parties, kabilang ang Solicitor General, upang maging pamilyar siya sa kasong isinampa ng Pilipinas laban sa China sa Permanent Arbitration Court sa The Hague, Netherlands.

Kinumpirma ni Yasay na walang ibinibigay na utos si Duterte para sa kanyang tungkulin at nasa kanya mismo ang pagbuo ng mga rekomendasyon sa Pangulo kung paano reresolbahin ang isyu.

Bagamat suportado ang bilateral talks, nais pa rin ni Yasay na pag-aralan ang mungkahi ni Duterte na ibahagi sa China ang likas na yaman mula sa pinag-aagawang teritoryo.

“I have to consider what the law is saying. Can we have joint operation under our law? Maybe not?” dugtong nito.

(BELLA GAMOTEA)