SA katapusan ng buwang ito o sa Hunyo 1, may bago nang pangulo at bise presidente ang Pilipinas. Sa pagkakaroon ng dalawang bagong lider, umaasa ang mga Pinoy na sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan, mawawala na rin sa wakas ang illegal drugs na ugat ng mga krimen, iiral ang curfew para sa mga menor de edad, bawal na pag-inom sa mga lansangan, paninigarilyo sa pampublikong lugar, at nakabibinging videoke sa hatinggabi.
Malaki ang pag-asa ng mga Pilipino na talagang isusulong ni incoming president Rodrigo Roa Duterte (RRD) ang tunay na pagbabago sa ‘Pinas na minsang umasa sa “Tuwid Na Daan” ni PNoy. Ibinoto ng mamamayan ang binatang pangulo sa paniniwalang bilang anak ng dalawang icon ng demokrasya—sina ex-Sen. Ninoy Aquino at ex-Pres. Cory Aquino—itataguyod niya ang lantay na PAGBABAGO sa naghihirap at nagdurusang bansa.
Kalungkut-lungkot na ang natagpuan ng mga Pinoy sa PNoy administration ay hindi Tuwid Na Daan kundi isang daan na punung-puno ng galit at paghihiganti sa mga kalabang-pulitikal at kritiko. Ang “Kung walang corrupt, walang mahirap” ay isang political slogan lamang na hungkag at walang laman kung kaya naging talamak pa rin ang kurapsiyon sa Bureau of Customs, DoTC, AFP, PNP, LTO, New Bilibid Prisons, at iba pang bulok na mga ahensiya ng gobyerno.
Saan ka hahanap ng administrasyon na ang dalawang pangunahing ahensiya na dapat maging tagapangalaga ng katahimikan at kaayusan—ang AFP at PNP— ay nagbabangayan at hindi nagkakaintindihan at kulang sa koordinasyon, gaya sa paghuli sa teroristang si Marwan at kasamang Abdul Basit Usman? Bunsod ng kakulangan ng pagtutulungan, namatay ang 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF), na ang operasyon sa paghuli (Operation Exodus) ay ipinamahala sa isang suspendidong hepe ng PNP.
Noong nakaraang Lunes, banner story ng isang English broadsheet ang pahayag ni RRD: “All Noy officials must go.”
Tandisang sinabi ni Mang Rody na tatabasin niyang lahat ang Aquino cabinet members bagamat noong una, meron daw siyang ilang napipisil ay ayaw namang tumanggap ng posisyon dahil maliit ang sahod. Kabilang sa mga bagong hirang ay sina Salvador Medialdea (executive secretary); Hermogenes Esperon (national security adviser); Perfecto Yasay (DFA); Vitaliano Aguirre (justice); Art Tugade (DoTC); Mark Villar (DPWH); at Manny Pinol (agriculture). Ano na ang nangyari kay Salvador Panelo bilang Press Secretary? Wala kayang naisingit na rekomendasyon ang best friend niyang si Pastor Apollo Quiboloy?
Inulit ni President Rody na bilang bagong pangulo, siya ay magiging “prim and proper” na at susunod sa mga protocol na itinatakda ng kanyang posisyon. Tama, iwasan mo na ang pagmumura at pakikipag-away sa ilang obispo ng Simbahang Katoliko. Aminado ang mga lider ng Simbahang Katoliko na sila ay makasalanan din. Dahil dito, hindi raw angkop na akusahan mo ang Simbahan bilang “most hypocritical institution” dahil lamang sa pagkakaiba ninyo ng paniniwala at opinyon! (Bert de Guzman)