Muling bumida si multi-titled rider Glenn Aguilar sa pro-open category sa ikaapat na yugto ng Diamond Motor MX Series nitong weekend sa Mx Messiah Fairgrounds, Taytay, Rizal.
“I’m here as a goat. I want to raise the bar for the next generation of Filipino riders,” pahayag ng veteran internationalist at 16-time Rider of the Year. Sinundan ng Rellosa brothers, Enzo at JC, si Aguilar habang pumang-apat naman ang anak ni Aguilar na si Mclean, sa banner category.
Naiuwi naman ng batang Aguilar ang prolites class kontra kina Ralph Ramento at Jepoy Rellosa.
Kasalukuyang nakaupo sa unang pwesto si Glenn sa overall championship tangan ang tatlong titulo sa pro open.
Maalalang nasungkit ni Davao bet Bornok Mangosong ang ikatlong leg sa nakalipas na karera.
Subalit kapansin-pansin din ang biglaang pagkawala ng presensiya ni Mangosong sa bakbakan matapos magtamo ng ACL sa ginawang stunt para sa isang variety show, ilang araw bago ang laban. Muling nagwagi si Janelle Saulog sa ladies category habang hindi rin natinag si Ompong Gabriel sa kids 85cc at amateurs’ category.
Ilan pa sa mga nagwagi ay sina Roman Llorente sa executive class, Wenson Reyes sa kids 50cc, Epong Gaid sa kids 65cc. Bumida rin sina Jolet Jao sa veterans, Frank Delson Janolino ng open underbone, Janjan Araneta ng local enduro at Dean Gabriel ng MMF Academy.
Masasaksihan ang panghuling yugto ng serye sa Hunyo 25. Ang karera ay inorganisa ng Generation Congregation, sa pakikipagtulungan ng Wheeltek, Dunlop tires, Pilipinas Shell Petroleum Corporation, Coffee Grounds, Xtreme Adrenaline Sports Entertainment Co. at PTT Philippines Corporation.