Nakabalik na sa Pilipinas ang 93 mangingisda na inaresto kamakailan sa Bitung, Indonesia, dahil sa ilegal na pangingisda sa karagatan ng huli.

Tumulong ang Philippine Coast Guard (PCG) sa paghahatid sa mga mangingisdang Pinoy sa Makar Port, General Santos City, lulan ng Philippine Navy vessel na BRP Pangasinan.

Sinabi ni SFC Franklin Calamay, ng General Santos City-PCG, na naaresto ang mga mangingisdang Pinoy mahigit isang buwan na ang nakararaan dahil sa ilegal na pangingisda sa karagatan ng Indonesia.

Sa tulong ng Department of Foreign Affairs, (DFA), inabot ng isang buwan ang proseso ng repatriation para sa mga ito upang sila ay makabalik sa Pilipinas.

Eleksyon

SP Chiz matapos ang eleksyon: 'Oras na para isantabi ang pulitika!'

Karamihan sa mga naarestong mangingisda ay residente ng General Santos City at Sarangani.

Ayon kay Calamay, agad na inilipat ang mga ito sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang sumailalim sa dokumentasyon.

Daan-daan nang mangingisda ang naaresto matapos na hindi na i-renew ang bilateral agreement ng Indonesia at Pilipinas upang makapangisda ang mga Pinoy sa Indonesian seas. (Joseph Jubelag)