Patay ang isang tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos makipagbarilan sa isang suspek sa Imus, Cavite, nitong Linggo ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang biktimang si PO3 Arlene Dorotan Lucban, 32, ng Phase I, Green Estate Subdivision, Barangay Malagasang I-C, Imus.

Idineklarang dead on arrival si Lucban sa General Emilio Aguinaldo College Medical Center sa Dasmariñas City, dahil sa tama ng bala sa dibdib.

Base sa testimonya ng mga testigo, nakilala ang suspek na si Gerald Jarin Valerio, alyas “Ardo”, na agad tumakas matapos ang insidente.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Lumitaw sa imbestigasyon na matagal nang may alitan sina Lucban at Valerio na naging mitsa ng kanilang duwelo.

Armado ng .45 caliber pistol, binaril ni Valerio si Lucban habang nakasakay ang biktima at kanyang hindi kilalang kasamahan sa motorsiklo sa Malagasang Road II, dakong 5:00 ng hapon nitong Linggo.

Bagamat napuruhan na ng bala sa dibdib, pinaputukan din umano ni Lucban si Valerio subalit mabilis na nakakubli ang suspek bago tumakas.

Nabawi ng mga imbestigador ang .9mm pistol ni Lucban sa crime scene. (Anthony Giron)