DAVAO CITY – Dahil hindi sila personal na magkakilala, sinabi ni incoming President Rodrigo Duterte na wala siyang maipagkakaloob na puwesto sa Gabinete para kay Vice President-elect Leni Robredo.
Kasabay nito, inihayag din ni Duterte na hindi siya dadalo sa proklamasyon ng Kongreso para sa kanya at kay Robredo na itinakda ngayong Lunes dahil ni isang beses ay hindi siya sumipot sa mga nakaraang proclamation ceremony noong mahalal siya bilang vice mayor, mayor at kongresista ng Davao City sa mga nakaraang panahon.
“I am more worried about where I would place the friends na nagkautang na loob ako,” pahayag ni Duterte sa press conference sa Hotel Elena sa siyudad na ito nitong Sabado ng gabi.
Aniya, mas bibigyan niya ng prioridad ang kanyang mga kapartido sa PDP-Laban na nakatulong sa kanyang pagkapanalo sa presidential race nitong Mayo 9.
Iginiit din ng outgoing mayor ng Davao City na hindi pa niya nakakausap si Robredo, na tumakbo sa ilalim ng Liberal Party na pinamumunuan ni Pangulong Aquino.
“’Di ko nga kilala ‘yan (Robredo),” bitaw ni Duterte.
Naniniwala ang bagong pangulo ng bansa na hindi magtatagal ay magkakausap na sila ni Robredo subalit hindi niya ito minamadali dahil, ayon pa sa kanya, abala pa rin ang vice president-elect.
“Why would I be in an awkward position when I am not ready to offer anything to her? We can talk of having good rapport in the meantime,” paliwanag ni Duterte. - Rocky Nazareno