Ni AARON B. RECUENCO

Bagamat wala pang pormal na komunikasyon sa kanilang pagitan, nagdeklara si Vice President-elect Leni Robredo ng 100 porsiyento niyang suporta kay President-elect Rodrigo Duterte.

Sa katunayan, sinabi ni Robredo na pagkatapos ng pormal na proklamasyon ngayong Lunes ay siya na ang magkukusang magtakda ng courtesy visit kay Duterte sa Davao City, na roon pansamantalang nag-oopisina ang susunod na pangulo ng bansa upang tanggapin ang mga bumabati rito, gayundin ang mga nag-a-apply sa susunod na administrasyon.

“If the proclamation pushes through on Monday, I will find ways to at least pay courtesy visit to assure him that he has my support,” sabi ni Robredo.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Kumandidato sa ilalim ng Liberal Party, nanalo si Robredo sa official canvassing ng Kongreso, na nagsilbing National Board of Canvassers, bilang bagong bise presidente ng bansa matapos lumamang ng gabuhok na mahigit 250,000 boto kay Senator Bongbong Marcos.

Bago pa man magsimula ang kampanya, inihayag ni Robredo na ipagkakaloob niya ang buo niyang suporta sa kung sino man ang mahahalal na pangulo ng bansa, dahil higit kanino man, aniya, ang kapakanan ng bansa ang pinakamahalaga kaysa pulitika.

“For me, it is but right to assure him that he has my 100 percent support and cooperation,” sabi ni Robredo. “That is my obligation to the country, not only to President Duterte. This is our obligation to the people because if we work together, it is the people who would benefit.”

Sinabi rin niya bago pa man magsimula ang opisyal na canvassing ng Kongreso ay may mga kaibigan nang nakikipag-usap sa kanya at sa kampo ni Duterte.

Tungkol sa posisyon sa gabinete ng alkalde, sinabi ni Robredo na ipauubaya niya kay Duterte ang desisyon dito, bagamat sinabi niyang pinakakumportable siya sa posisyong direktang pinakikinabangan ng mahihirap at kapus-palad.