DALLAS (AP) — Masamang balita sa nagsisimulang mangibabaw na New Orleans Pelicans sa NBA.
Nabaril at napatay si Pelican rookie guard Bryce Dejean-Jones sa isang hindi inaasahang kaganapan sa apartment compound ng kanyang nobya sa Dallas nitong Sabado (Linggo sa Manila).Ayon kay Dallas Police Senior Cpl. DeMarquis Black, ang suspect ay napilitang magpaputok nang sipain at masira ni Dejean-Jones ang pintuan ng kanyang apartment.
Kaagad na rumesponde ang mga pulis kung saan natagpuan nila ang duguang si Dejean-Jones na nakahandusay sa sahig. Isinugod siya sa ospital kung saan idineklara siyang dead-on-arrival. Si Dejean-Jones ay 23-anyos.
“We are devastated at the loss of this young man’s life,” pahayag ng Pelicans management sa opisyal na pahayag.
Sa paunang impormasyon nakalap ng imbestigador, dadalawin umano ni Dejean-Jones ang may kaarawan na anak na nasa pangangalaga ng kanyang nobya, ngunit maling pintuan ang kanyang napuntahan sa naturang apartment complex.
Naninirahan ang kanyang nobya sa ikaapat na palapag, ngunit sa ikatlong palapag napunta ang NBA player. Nang hindi binubuksan ang pintuan sa kabila ng kanyang katok, inakala umano ni Dejean-Jones na pinagtataguan siya ng nobya kung kaya’t napikon ito ay sinira ang pintuan.
“He went to the wrong apartment unfortunately and I think he thought his girlfriend locked him out, so he was knocking on the door, banging on the door, it’s locked,” pahayag ng imbestigador.
Sinabi ni NBA Commissioner Adam Silver na isang trahedya ang kaganapan.