ANG pagmumura, masasagwang biro, at matatalim na pananalita ni President-elect Rodrigo Roa Duterte (RRD) noong panahon ng kampanya ay naging epektibo at tinanggap ng taumbayan kahit sila’y naaalibadbaran. Sino ang hindi hahanga sa pangako niyang kapag sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan at hindi niya nasugpo ang talamak na illegal drugs sa bansa, ay magbibitiw siya bilang pangulo? Sino ang hindi matutuwa kay RRD nang makipagtalo siya kay ex-DILG Sec. Mar Roxas ay lantaran niyang sinabi na “Kung takot kang pumatay at takot mamatay, ‘wag kang mag-presidente.”

Nasilo ng machong alkalde ang imahinasyon ng mga botante at nabihag ang kanilang nagdurusang kalooban bunsod ng binitiwang mga pangako na isusulong ang tunay na pagbabago sa Pilipinas na sobra ang pagdurusa sa bigat ng trapiko, araw-araw na pagtirik ng MRT, tanim-bala sa mga paliparan, walang makuhang bagong plaka at lisensiya, bilyun-bilyong pisong anomalya sa PDAF at DAP, atbp.

Pero ngayong panalo na siya at nilampaso sina Roxas, Grace Poe, Jojo Binay at Miriam Defensor-Santiago, dapat naman sana ay maging “prim at proper” na siya bilang bagong Punong Ehekutibo ng nagdurusa at naghihirap na Pilipinas.

Iwasan na ang pagmumura at pagbabanta, iwasan na niya ang pakikipagbangayan sa Simbahang Katoliko (o Iglesia Katolika). Hindi naman nakikipag-away ang mga obispo sa iyo, President Rody.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Dapat mong tandaan na si ex-Pres. Joseph Estrada ay nagtamo rin ng landslide victory noong 1998 sa kabila ng admonition at paalala ni Cardinal Sin na huwag siyang iboto dahil si Erap ay babaero, sugarol, at ‘di karapat-dapat na maging presidente. Sinuway ito ng mga tao hindi dahil hindi nila sinunod ang Simbahan, kundi naniniwala sila sa slogan niyang si “Erap ay Para sa Mahirap.”

Ganito rin ang naging kalagayan mo ngayon, RRD. Ibinoto ka ng mga tao hindi dahil kontra sa iyo ang ilang obispo na nagpayo na huwag iboto ang “reprehensible candidate/s” na maliit ang paggalang sa mga karapatang pantao at aral ng Simbahang Katoliko. Posibleng inihalal ka nila kahit ika’y palamura at self-confessed killer bunsod ng pangakong pagsugpo sa illegal drugs at pagpapatumba sa mga kriminal at paglipol sa corrupt govt officials.

Ang mga botanteng katoliko ay malaya. Hindi sila inuutusan gaya ng ilang sekta ng relihiyon. Marahil ay dapat na maipaalala sa incoming president na maraming lider at kilalang tao sa mundo ang humangga sa trahedya dahil sa pakikipag-away sa Simbahan. Ayaw nating mangyari ito kay President Rody dahil ang gusto natin ay maisulong niya ang tunay na pagbabago na hindi nagawa ng nagdaang administrasyon na sumandal sa “Tuwid na Daan” at sa “Kung walang corrupt, walang mahirap”, subalit katakut-takot namang anomalya ang naranasan ng taumbayan sa PDAF, DAP, at iba pang mga proyektong pambayan. Mabuhay ka, President RRD at sana’y magtagumpay ka sa iyong pamamahala! (Bert de Guzman)