Nakahakbang tungo sa asam na quarterfinals spot ang National University sa ginaganap na 2016 Fil-Oil Flying V Preseason Premier Cup matapos makamit ang ikaapat na tagumpay nang padapain ang Emilio Aguinaldo College, 72-68, kahapon sa San Juan Arena.

Nagtala sina Med Salim at Chino Mosqueda ng 13 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod upang pangunahan ang panalo ng Bulldogs para makaangat sa ikalawang posisyon sa Group A, taglay ang 4-1 marka, sa likod ng Arellano (5-1).

Dahil sa kabiguan, tuluyan namang nagwakas ang tsansa ng Generals na umabot sa susunod na round sa markang 1-5.

Tumapos na topscorer para sa Generals si Francis Munsayac na may 14 na puntos, kasunod ang Cameroonian center na si Hamadou Laminou na may 11 puntos at 15 rebound.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Lamang pa ang Generals sa first canto, 24-13, ngunit nagawa silang habulin ng Bulldogs sa second quarter at idikit ang laban bago tuluyang agawin ang bentahe sa pagtatapos ng first half, 54-53.

Sa ikalawang laro, buhay pa ang tsansa ng reigning UAAP champion Far Eastern University matapos gapiin ang College of St. Benilde, 64-55, at makopo ang ikatlong panalo sa anim na laro.

Umiskor ng tig-12 puntos sina Prince Orizu at Richard Escoto para pangunahan ang Tamaraws. - Marivic Awitan