Pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang mga may-ari ng baril na epektibo pa rin ang nationwide gun ban sa buong bansa hanggang sa pagtatapos ng election period sa Hunyo 8.

Ito ang inihayag ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, upang maiwasan ang kalituhan sa hanay ng mga gun owner dahil sa kakulangan ng kaalaman sa kung kailan magtatapos ang gun ban.

“Our troops on the ground are continuously arresting violators of the gun ban,” babala ni Mayor.

Hanggang nitong Sabado ng umaga, umabot na sa 4,456 ang mga naaresto simula nang ipatupad ang nationwide gun ban, sa kautusan ng Commission on Elections (Comelec), bilang bahagi ng seguridad sa halalan nitong Mayo 9.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Mula sa naturang bilang, 34 ay pulis habang 20 iba pa ay sundalo.

Tatlumpu’t anim sa naaresto ay mga kawani ng gobyerno tulad ng bombero at iba pang tagapagpatupad ng batas.

Sinabi ni Mayor na kabilang din sa mga natiklo ang 36 na security guard, habang ang iba ay pinaghihinalaang miyembro ng mga rebeldeng grupo.

Umabot din sa 3,662 ang baril na nakumpiska sa police at military checkpoint sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ayon sa PNP. - Aaron Recuenco