Isang magsasaka na umano’y rapist ang hinatulan ng kamatayan ng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Carmen sa Agusan del Norte, iniulat ng pulisya kahapon.
Nag-iimbestiga na ang Carmen Municipal Police upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa pamamaril kay Vicente Loperez, 50, may asawa, ng Sitio Kabayawa, Barangay Poblacion, Carmen.
Sa pagsisiyasat ni Senior Insp. Edgar Serqueña, hepe ng Carmen Municipal Police, nangyari ang pamamaril hapon nitong Mayo 27.
Ayon sa pulisya, sinundo si Loperez ng limang hindi nakilalang lalaki, na sakay sa dalawang motorsiklo, at pagsapit sa ibabang bahagi ng tirahan ng biktima ay doon ito pinagbabaril.
Narekober ng pulisya sa crime scene ang apat na basyong bala ng .45 caliber pistol, at ang sulat na sinasabing iniwan ng NPA.
Nakasaad umano sa sulat na si Loperez ay suspek sa panggagahasa sa isang 11 anyos na babae kaya pinatawan ito ng parusang kamatayan ng kilusan. (FER TABOY)