KILALA ang mga Pilipino sa buong mundo na mahilig sa musika. Kilala rin ang mga Pinoy na masayahin. Katunayan, marami sa kanila ang naniniwala na “laughter is the best medicine”.
Alam niyo ba na maaaring makapagpagaling ang musika? Ito ay tinatawag na music therapy.
Ayon sa American Music Therapy Association, ang music therapy ay isang interpersonal process kung saan gumagamit ang therapist ng musika upang matulungan ang pasyente na mapabuti ang kalusugan, base sa ulat ni Ma. Cristina C. Arayata ng Philippines News Agency (PNA).
Ayon kay Dr. Joselyn Eusebio, isang developmental pediatrician, kahit sino ay maaaring makakuha ng benepisyo sa music therapy.
“This is good for people with physical, emotional, social or cognitive deficits, and also good for healthy people as it will help them relax,” pahayag ni Dr. Eusebio, idinagdag na walang masamang epekto ang musika.
Inihalimbawa ni Eusebio ang mga nagawa niyang pag-aaral kung saan nadiskubre na ang musika ay nagsisilbing anesthesia dahil ito ay “interrupts” sa mga pain signal bago makarating sa utak.
Idinagdag niya na nagsimulang gamitin ang musika sa mga ospital ay noong unang bahagi ng 1900s, nang gamitin ito ng healthcare practitioners kasabay ng paggamit ng anesthesia at analgesia.
“It is also believed that Greek physician, Hippocrates, played music for his mental patients during 400 B.C,” pahayag ni Dr. Eusebio.
Sinabi rin ng lady pediatrician na makatutulong ang musika upang mas mapaunlad ang pagkatuto at self-esteem ng tao.
Ipinaliwanag ni Eusebio na makatutulong ang musical activities sa holistic development ng isang bata, na binubuo ng personal growth, interpersonal growth, musicality, creativity and learning.
Kaya, naniniwala siya na ang music ay makabubuti sa mga bata, lalo na sa mga may cerebral palsy, at iba pang sakit.
“The therapy may also enhance attention span among children with special needs,”dagdag ni Eusebio.