Sa pagtatatag ng tinaguriang “Malacañang in the South”, hindi na maituturing na “back door” ang Mindanao, matapos mahalal ang isang tubong rehiyon bilang susunod na pangulo ng bansa.

Ito ang naging taya ni Davao Information Officer Leo Villareal matapos kumpirmahin na sa Department of Public Works and Highways (DPWH) depot sa Panacan District, Davao City inaasahang maglalagi si incoming President Rodrigo Duterte sa kanyang panunungkulan.

“Ang Mindanao na ang ‘new front door’ ng Pilipinas, kasama ang mga economic partner tulad ng Brunei, Malaysia at Indonesia,” ayon kay Villareal.

Ayon pa kay Villareal, lalong lalakas ang East ASEAN Growth Area (EAGA)—na kinabibilangan ng Brunei, Indonesia, Malaysia at Pilipinas—dahil magiging sentro ng kalakalan ang Mindanao sa pag-upo sa puwesto ni Duterte.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Inaasahan, aniya, na magkakaroon ng mga bagong proyektong imprastruktura at oportunidad sa kalakalan sa Mindanao dahil sa itatayong “presidential office” sa Davao City.

Malaki rin, aniya, ang maitutulong nito sa pagtataas sa moral ng mga taga-Mindanao na ilang dekada nang binabagabag ng kaguluhan at karahasan na hindi nasolusyunan ng mga nakaraang administrasyon, dahil karamihan sa mga naluklok sa Malacañang ay mula sa Luzon. - Jonathan Santes