Iginiit ng isang obispo ng Simbahang Katoliko na dapat na gawing sentro ng kaunlaran ang paglago ng populasyon ng bansa.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Episcopal Commission on the Laity, ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), dapat mapangalagaan ang tao at hindi ang materyal na bagay, tulad ng pera o gadgets, ang pahalagahan sa pamamahala.
Binigyang-diin niya na ang tao ang tunay at dakilang yaman at dahilan ng pangmatagalang kaunlaran ng isang bansa, tulad ng Pilipinas.
Dagdag pa ng obispo, dapat maging sentro ng gobyerno ang paglinang sa talento at kakayahan ng bawat tao, at hindi ang pagsira sa dangal at buhay nito.
“Take care of our people, not money nor gadgets. People is our greatest resource. True development is people centered—to make people more human,” sinabi ni Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot na sa 100.98 milyon ang populasyon ng bansa o tumaas ng 1.72 porsiyento mula 2010 hanggang 2015. - Mary Ann Santiago