LOS ANGELES (AFP) – Ipinagtanggol si Johnny Depp ng kanyang anak na babae laban sa akusasyon ng asawa ng pang-aabuso na nagbunsod ng pakikipagdiborsiyo nito sa aktor.
Kasabay nito, iniulat ng celebrity news website na TMZ na sa isang liham ni Vanessa Paradis, ang matagal na naging domestic partner ni Johnny, ay tinawag nitong “outrageous” ang mga ibinibintang laban sa aktor.
Nag-post si Lily-Rose Depp sa Instagram ng litrato niya noong bata pa habang hawak ni Johnny ang kanyang magkabilang kamay at inaalalayan siyang maglakad.
“My dad is the sweetest most loving person I know, he’s been nothing but a wonderful father to my little brother and I, and everyone who knows him would say the same,” saad sa caption ni Lily-Rose.
Binigyan si Johnny ng temporary restraining order nitong Biyernes matapos dumulog sa korte ang asawa niyang si Amber Heard na may black eye, at inakusahan ang aktor ng pananakit.
Naghain ng diborsiyo sa Los Angeles noong nakaraang linggo at humihingi ng spousal support mula sa 52-anyos na bida ng Pirates of the Caribbean, sinabi ni Amber na biktima siya ng paulit-ulit na pananakit ni Johnny.
Nagsumite pa si Amber ng mga litrato sa korte na nagpapakita sa kanya na may pasa sa mukha na, ayon sa kanya, ay sinuntok ni Johnny sa kasagsagan ng kanilang pag-aaway.
Sa sinumpaang salaysay, iginiit pa ng actress-model na sa buong panahong magkasama sila ay paulit-ulit siyang inaabuso ni Johnny, verbally at physically.
Nagkakilala ang mag-asawa sa set ng pelikulangThe Rum Diary noong 2011, habang si Johnny ay karelasyon pa ng domestic partner niya, ang French actress na si Vanessa Paradis, ang ina ng magkapatid na Lily-Rose at Jack.
Nitong Linggo, nag-post ang TMZ website ng sulat-kamay na liham ni Vanessa na naglalarawan kay Johnny bilang “a sensitive, loving and loved person.”
“I believe with all my heart that these recent allegations being made are outrageous, in all the years I have known Johnny, he has never been physically abusive with me and this looks nothing like the man I lived with for 14 wonderful years,” saad sa liham.
Ang sulat ay pirmado ni Vanessa, may petsang Mayo 27, at isinulat sa Los Angeles.
Rumampa kamakailan si Lily-Rose, 17, sa red carpet ng Cannes Film Festival para sa premiere ng La Danseuse (The Dancer), na tinatampukan niya bilang ang American dancer na si Isadora Duncan, at umani siya ng magkakaibang rebyu.
Isa ring modelo si Lily-Rose, na tumatayong teenage endorser ng Chanel.