DEKADA 50 nang kumalat sa Iloilo ang usap-usapan tungkol kay Teniente Gimo, ang kapitan ng barangay Sabayan ng Dueñas na pinaniniwalaang aswang. Kay Teniente Gimo ibinibintang ang karumal-dumal na mga pagpatay na ang mga biktima ay tinanggalan ng puso at bato.
May asawa si Gimo, si Melba, at anak nila si Ella. Ayon sa urban legend, iniutos ni Gimo sa kanyang mga tauhan na pumatay ng isang dalaga na kanilang ihahanda sa pista, ngunit nagkamali ang kanyang mga tauhan dahil mismong ang anak niya ang napatay at ginawang pulutan.
Nakakakilabot sa mga kuwento pa lang kaya tiyak na mas nakakatakot ang kuwento ng pelikula.
Bukod pa sa mga ito, may iba pang highlights na ipapakita sa pelikulang handog ng KIB Production at RMS Productions plus hinaluan din nila ng romance at comedy.
Makikita rin kung paano naapektuhan ni Gimo ang pag-iibigan ng kanyang anak na si Ella at ng disenteng binata na si Victor.
Dahil sa kanyang reputasyon, maraming galit kay Gimo at nangunguna na sa mga ito si Gado na kapamilya niya at naging biktima rin ng aswang. Ang dating nakarelasyon ni Gimo na si Ursula ay nakipagkasundo kay Victor upang kalabanin ang mga aswang, tik-tik at wak-wak. Kasama nila ang kaibigan ni Victor na si Bentong, at si Lolo Ambo na matagal nang kumakalaban sa mga ganitong klaseng nilalang.
Ginamit ng director na si Roland M. Sanchez ang mga cinematic technique, (tulad ng quick frantic cuts) na subok nang nagbibigay suspense sa mga manonood.
At dahil din usong-uso ngayon ang mga hugot lines, ito umano ang nagdala ng aspetong romance-comedy ng pelikula. Mabilis ang mga eksena at makatotohanan ang mga dialogue ayon sa mga nakapanood na.
Ang kuwento ay isinasalaysay ng isang matandang babae na nagsasabing saksi sa mga mapapanood sa pelikula. Pero sorpresa umano kung sino ang babaeng ito.
Pinagbibidahan ang Teniente Gimo ni John Regala, kasama sina Julio Diaz, Mon Confiado, Suzette Ranillo, Eliza Pineda at Joshua Dionisio na gumaganap bilang magkasintahan at ang baguhang aktres na si Kate Brios. Ipapalabas na ito sa mga sinehan simula ngayong June 1, distributed by Viva Films.