DAGUPAN CITY, Pangasinan - Hindi lang ang bahagi ng Western Pangasinan ang maaaring maapektuhan ng malawakang fish kill kundi maging ang Dagupan City, kung hindi magiging malinis ang ilog sa lungsod.
Ito ang sinabi ng ilang fishpond operator kasunod ng napaulat na malawakang fish kill sa mga bayan ng Anda at Bolinao, kamakailan.
Ayon sa isang nakapanayam ng Balita na ayaw magpabanggit ng pangalan, labis silang nababahala dahil hindi pa man tag-ulan ay may mga namamatay nang isda sa siyudad.
Dahil dito, inihayag ng pamahalaang lungsod na tutuldukan na nito ang matagal nang problema sa mga ilegal na fish pen.
Nabatid na simula noong Enero ng taong ito ay nakapagbaklas na ang Task Force Bantay Ilog ng 47 illegal fish pen, bagamat hindi pa nababaklas ang malalaking fish pen at ang mga ito na ang isusunod na baklasin. (Liezle Basa Iñigo)