Patay ang isang lalaking estudyante matapos pagbabarilin umano ng apat na lalaki sa loob ng bahay nito sa Tondo, Maynila, nitong Sabado ng gabi, dahil sa isang babae.

Sinabi ni PO3 Alonzo Layugan na hindi na umabot nang buhay sa Ospital ng Tondo si Schan Vincent Suva, 19, matapos siyang pagbabarilin ng apat na lalaki sa kanyang bahay sa Paco Reyes Street sa Tondo.

Habang bitbit ng kanyang mga kaanak ang bangkay ni Suva para dalhin sa punerarya ay bigla itong nagkapulso kaya dinala pa nila ito sa Chinese General Hospital, subalit hindi rin ito naisalba ng mga doktor, ayon sa police report.

Lumitaw sa imbestigasyon na isang lalaki na nakilala lamang bilang “Christian” ang kumatok sa bahay ni Suva at bigla na lamang pinagbabaril ang biktima.

2 dambuhalang sawa, nahuli sa kisame ng magkaibang bahay, 1 sa kanila, nakalunok ng tuta!

Nang bumulagta na si Suva, tumakas si Christian kasama ang tatlong iba pa na naghihintay sa dalawang motorsiklo.

Isang anggulong tinutumbok ng pulisya ay ang pagkakaroon umano ng alitan nina Suva at Christian kamakailan dahil sa isang babae.

Pinaghahanap na rin ngayon ng Manila Police District (MPD) si Christian at tatlo nitong kasamahan. - Argyll Cyrus B.Geducos