Ni ROCKY NAZARENO
DAVAO CITY – Matapos bansagang “berdugo” at “mamamatay-tao”, naging kakaiba ang dating ni incoming President Rodrigo Duterte sa mga mamamahayag makaraan siyang umamin na matindi ang takot niya sa multo.
Ayon kay Duterte, ito rin ang dahilan kung bakit hindi siya titira sa Palasyo ng Malacañang sa anim na taon ng kanyang panunungkulan.
“May prejudice ako sa Malacañang. Talagang may mumo dyan,” pahayag ni Duterte sa pulong balitaan na dinaluhan din ng world boxing champ na si Senator-elect Manny Pacquiao; ng magkapatid na sina Senators Alan Peter Cayetano at Pia Cayetano; at ng incoming peace adviser na si Jess Dureza.
Dahil sa takot sa multo, sinabi pa ni Duterte na mas nanaisin na lang niyang lumagare araw-araw sa Davao City at Manila.
“Nandito ang kama ko. ‘Yung kuwarto ko ang comfort zone ko, nandito lahat,” paliwanag ni Duterte kung bakit nais niyang mamalagi sa Davao City, na roon siya nagsilbing alkalde ng ilang dekada.
Tiwala si Duterte na maaayos niya ang kanyang schedule upang makasakay ng eroplano mula Davao City ng 8:00 ng umaga, at makarating sa Maynila sa loob ng isa’t kalahating oras.
Matapos ang paglagda sa mga dokumento at pulong sa mga bisita, sinabi ni Duterte na handa na siyang simulan ang trabaho dakong 1:00 ng hapon bago umalis ng Malacañang at sumakay sa huling flight sa Davao City, ng 9:00 ng gabi.
“Magsisimula ang aking trabaho ng 1:00 ng hapon,” aniya.