Pinaalalahanan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga mamimili na suriing mabuti ang mga bibilhing gamit pang-eskuwela lalo na ngayong kaliwa’t kanan ang sale na alok ng mga tindahan.

Ayon sa DTI, dapat na suriin ng mamimili ang bibilhing school supplies lalo ang iniaalok sa mas mababa pa sa suggested retail price (SRP).

Payo ng kagawaran, dapat na alamin ang kalidad ng bibilhing produkto, kung tama ang presyo nito, at kung walang sangkap ng nakalalasong kemikal, gaya ng lead, na isang kemikal na nakaaapekto sa kalusugan ng mga bata, partikular na sa utak.

Partikular na tinukoy ng DTI ang posibleng pagkakaroon ng mataas na content ng lead sa mga crayola, na nagpapatingkad sa mga kulay nito na karaniwang nabibili naman sa maliliit na tindahan o tiangge.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Tiniyak ng DTI, katuwang ang Department of Education (DepEd), na mahigpit nilang binabantayan ang presyo at supply ng school supplies sa mga pamilihan, partikular sa Metro Manila.

Tuluy-tuloy din ang pag-iinspeksiyon ng mga opisyal ng DTI at DepEd sa mga bookstore, mall at sa mga tindahan sa Divisoria.

Bukod dito, nag-iikot na rin sa Metro Manila at mga karatig-probinsiya ang DTI Diskwento Caravan upang mag-alok ng mas abot kayang mga produkto at school supplies bago ang pasukan sa Hunyo 13. - Bella Gamotea