DASMARIÑAS, Cavite – Namatay nitong Sabado ang isang 22-anyos na babae habang sugatan naman ang kaibigan niyang dalagita matapos silang igapos at pagsasaksakin ng apat na lalaki sa isang barung-barong sa Sanitary Compound sa Barangay Sta. Lucia sa lungsod na ito, gayung mag-aabot lang ang biktima ng P15,000 cash na pambili ng shabu sa isa sa mga suspek.

Kinilala ng pulisya ang pinaslang na si Julie Ann Aringo Baguino, 22, ng Bgy. Paliparan III, Dasmariñas City, habang sugatan naman ang 15-anyos na babaeng estudyante ng Grade 8 na kaibigan at kapitbahay ng una.

Nakatakas ang dalagita mula sa mga suspek matapos siyang magkunwaring patay.

Nadakip naman sa follow-up operation na ipinag-utos ni Supt. Joseph Reyes Arguelles, acting chief ng Dasmariñas City Police, si Saipodin Dalidig Camedi, 23, vendor, habang nakilala naman ang iba pang suspek na sina Nabel Maruon, Jabel Garcia, at isang “Ruben”, pawang residente ng Sanitary Compound.

Probinsya

Lalaki, nanaksak matapos maingayan sa motorsiklo noong Bagong Taon

Positibong kinilala ng dalagita si Camedi bilang isa sa mga suspek.

Sa isang panayam sa telepono, sinabi ni PO3 Aaron Valerio Abesamis na naniniwala silang inatake ang mga biktima matapos na akalain ng mga suspek na isang police asset o informer si Baguino, na nobya umano ni Maruon.

Batay sa report, sinabi ni Abesamis na pinaghahampas ng martilyo sa ulo si Baguino ng isa sa mga suspek. Sinaksak din umano ng screw driver si Baguino at ang kaibigan nitong dalagita habang nakagapos ng lubid at electric wire ang mga kamay at mga paa ng dalawa, samantalang natatakpan naman ng packaging tape ang mga bibig ng magkaibigan.

Napaulat na minolestiya rin ang dalagitang kasama ni Baguino, ayon kay Abesamis.

Batay sa paunang imbestigasyon, dakong 9:30 ng umaga nitong Biyernes nang magpasama si Baguino sa dalagita na samahan siya sa bahay ni Maruon sa Sanitary Compound dahil iaabot niya rito ang P15,000 na hiniram nito para ipambili ng shabu.

Sinabi ni Abesamis na kakasuhan ng murder, attempted murder, at acts of lasciviousness ang apat na suspek ngayong Lunes, sa city prosecutor’s office.

Naglunsad na rin ng manhunt para agad na madakip ang tatlong kasabwat ni Camedi. (Anthony Giron)