SA pamamagitan ng Department of Information and Communication Technology (DICT), pinal nang kinilala ng gobyerno ng Pilipinas ang bago at mabilis na lumalawak na larangan ng teknolohiya sa paghahatid ng serbisyo sa mamamayan.
Nilagdaan ni Pangulong Aquino noong nakaraang linggo ang Republic Act 10844, ang DICT Act of 2015, na nagtatatag sa bagong kagawaran bilang ahensiya ng gobyerno sa pangunahing polisiya, pagpaplano, pakikipag-ugnayan, at implementasyon na magsusulong sa pambansang ICT development agenda.
Ang lahat ng tanggapan sa larangang ito na nasa ilalim ngayon ng Department of Transportation and Communication (DoTC) ay ililipat sa bagong kagawaran. Ang DoTC, na tatawagin nang Department of Transportation, ay eksklusibo nang tututukan ang transportasyon, na isa ring mahalagang aspeto sa ating sumisiglang ekonomiya.
Sa ngayon, malawak ang epekto ng information and communication technology sa ating buhay at halos walang larangan na wala itong ginagampanang mahalagang tungkulin. Gamit ito sa negosyo at industriya, sa edukasyon, sa serbisyo ng gobyerno, sa usaping pulitikal, sa tradisyunal na mass media, at sa bagong social media.
Ang ICT ang ikatlong pinakamalaking kumikita ng dolyar sa Pilipinas, kasunod ng electronics at mga remittance ng mga overseas Filipino worker. Kabilang din ang mga Pilipino sa mga pangunahing digital citizen sa mundo. Nasa 105 milyon ang ating populasyon, ngunit mayroon tayong 115 milyong cell phone subscription. Apat sa sampung Pinoy ang may access sa Internet.
Ngunit ang mabagal na serbisyo ng Internet na ipinagkakaloob ng mga kumpanya ng telekomunikasyon ay matagal nang pinagtitiisan ng ating mga netizen. Pang-176 ang Pilipinas sa larangang ito sa 200 bansa, ayon sa isang pag-aaral. Sa buong Asia, tanging ang Afghanistan ang may mas mabagal na serbisyo ng Internet kaysa Pilipinas.
Ito marahil ang pangunahing usapin na kahaharapin ng DICT kapag pormal na itong naitatag. Nakipagpulong na ang dalawang pangunahing kumpanya ng telekomunikasyon sa bansa sa mga kasapi ng economic team ni President-elect Duterte at nagsumite ng listahan ng mga gagawing hakbangin at mga itatayong imprastruktura upang mapabilis ang serbisyo ng Internet.
May dambuhalang responsibilidad at sangkaterbang suliranin ang DICT, kabilang na ang pagbibigay ng proteksiyon sa sistemang pinansiyal ng bansa, pag-iwas na mapakialaman ang mga database gaya ng nangyari sa website ng Commission on Elections, at iba pang mga cybercrime. Pamumunuan na nito ang paghimok sa pagpapalawak sa industriya ng ICT sa pamamagitan ng mga lokal at pandaigdigang pagtutulungan, isusulong ang mga oportunidad sa pamumuhunan, at titiyaking ihahatid sa mga Pilipino ang pinakamahusay na serbisyo sa Internet na karapat-dapat para sa atin.