ANG Mayo ay Buwan ng mga Magsasaka at Mangingisda, alinsunod sa Proklamasyon Bilang 33 na ipinalabas noong Mayo 21, 1989, upang kilalanin ang hindi matatawarang kontribusyon ng milyun-milyong Pilipinong magsasaka at mangingisda, gayundin ng kani-kanilang pamilya, sa yaman, pang-ekonomiyang kaunlaran, at seguridad sa pagkain sa bansa. Sila ang mga katuwang ng gobyerno upang maibsan ang kahirapan at mapasigla ang produksiyon ng pagkain.
Ang kaunlaran sa agri-pangisdaan ay isa sa mga pangunahing prioridad ng gobyerno hindi lamang upang makamit ang pantay na pamamahagi ng mga benepisyo at oportunidad, kundi upang bigyan ng pagkakataon ang sektor upang maisagad ang ambag nito sa pambansang ekonomiya. Ang mga Pilipinong magsasaka at mangingisda, na bumubuo sa kalahati ng pambansang puwersa ng mga manggagawa, karamihan ay nasa mga komunidad sa lalawigan, ay gumaganap bilang pangunahing puwersa sa pagsulong ng ekonomiya sa pag-aambag nila ng sangkapat na bahagi ng Gross Domestic Product at paglikha ng 40 porsiyento ng kita sa export. Ang malaking bahagi ng 100.9-milyong populasyon sa Pilipinas ay umaasa sa kanila sa pagkain at kabuhayan.
Sa kabila ng napahabang tagtuyot na epekto ng El Niño na nagpapahirap sa libu-libong magsasaka at mangingisda sa bansa, ipinagdiriwang ng sektor ng agri-pangisdaan sa 17 rehiyon ang isang-buwang pagtatanghal ng kagamitan sa pagsasaka, kapistahan sa pag-aani gaya ng Carabao Festival sa Pulilan, Bulacan, at Pahiyas sa Quezon, pagpapamalas ng teknolohiya sa bigas, pagpapakita ng mga ani na may mataas na halaga, mga agri-aqua fair, bentahan ng mga produksiyon ng bukirin, pagdi-display ng mga hayop, at pagtuturo sa tamang pagluluto ng brown rice, upang kilalanin ang mga paghihirap at pagtitiyaga ng mga magsasaka at mangingisda upang mahainan ng pagkain ang mesa ng bawat Pilipino. Sa ilang lalawigan, ang selebrasyon ay may kinalaman sa pagiging relihiyoso, at nagdaraos ng mga prusisyon ng pasasalamat bilang pagpupugay kay San Isidro Labrador, ang patron ng masaganang ani.
Hinihikayat ang susunod na administrasyong Duterte na gawing prioridad ang pagkakaloob ng agarang ayuda sa pagkain at kabuhayan para sa mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng ilang buwang matinding tagtuyot, at magpatupad ng mga hakbangin upang matiyak ang katatagan at kasapatan ng pagkain, masawata ang kahirapan, at makamit ang hinahangad na pangmatagalan at malawakang kaunlaran.
Ang programa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa pangangasiwa sa pangisdaan, sa bisa ng Department of Agriculture Special Order No. 88, serye ng 2005, ay nagtatampok sa taunang selebrasyon na may temang “Mangingisdang Director Para sa Mas Matatag ng Balikatan.” Inihahalal ang mga direktor sa mga pangisdaang pambansa at rehiyunal ng mga kapwa nila pinuno upang pangasiwaan ang mga pangunahing tungkuling seremonyal at administratibo para sa buong buwan ng Mayo.