Steph Curry and Kevin Durant (AP)

OKLAHOMA CITY (AP) — Pag nagigipit at nasusugatan, asahang mas matapang na Warriors ang bubulaga sa teritoryo ng karibal.

Sa harap ng nagbubunying Thunder crowd sa tinaguriang “Loud City”, matikas na nakihamok ang Golden State Warriors para maitarak ang come-from-behind 108-101 panalo at agawin ang krusyal na laro laban sa Oklahoma City nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Nagsalansan si Klay Thompson ng playoff-record 11 three-pointer para sa kabuuang 41 puntos at sandigan ang Warriors sa determinadong pakikipaglaban para maipuwersa ang do-or-die Game 7 sa Western Conference finals.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Host ang defending champion sa winner-take-all sa Lunes (Martes sa Manila), sa Oracle Center. Ang magwawagi ay uusad sa NBA Finals kung saan naghihintay ang Cleveland Cavaliers.

Nakabawi si Stephen Curry sa malamyang simula para makubra ang 29 na puntos, 10 rebound, at siyam na assist.

“I just so proud of everybody, man,” pahayag ni Thompson.

“We were down almost the whole game and we never gave up.”

Lungayngay ang tuka ng Warriors sa nakalipas na dalawang laro sa Cheasapeake Arena, ngunit sa pagkakataong ito, mas nagningning ang Warriors sa long-range area sa natipang 21 of 44, laban sa miserableng 3 of 23 ng Thunder.

“About time we had a stretch in this building where we imposed our will,” pahayag ni Curry.

Kumubra si Kevin Durant ng 29 na puntos, habang humugot si Russell Westbrook ng 28 puntos para sa Thunder. Ngunit, mababa ang porsiyento sa field goal ni Durant na 10-of-31, gayundin si Westbrook na may 10-of-27.

Target ng Warriors na maging ika-10 koponan sa kasaysayan ng NBA na nakabangon mula sa 1-3 paghahabol at tunay na napakahirap para sa defending champion ang sitwasyon higit sa kanilang paghahabol sa walong puntos na bentahe ng Thunder sa final period.

Pinangunahan ni Thompson ang kikig ng Warriors sa naisalpak na apat na three-pointer sa loob ng pitong minuto, bago nagsalapk ng dalawang long shot si Curry, kabilang ang huling tirada na nagpatabla sa iskor sa 99-all, may 2:47 sa laro.

Isa pang three-pointer ni Thompson ang nagbigay ng bentahe sa Golden State, 104-101, may 1:35 ang nalalabi.

Sa mainit na pagbabalik ng Warriors, mistulang dinaga ang Thunder na nagtamo ng magkakasunod na turnover, bago nakaiskor si Curry sa lay-up para sa limang puntos na bentahe, may 14.3 segundo sa laro.

Isa pang turnover ni Westbrook sa inbound play ang nagselyo sa panalo ng Golden State.