Nais ng chairman ng House Committee on Metro Manila Development Authority na ipagbawal ang mga private towing company na manghila ng mga tumirik na sasakyan sa Metro Manila.
Hinikayat ni Quezon City Rep. Winston Castelo ang susunod na administrasyon na ikonsidera ang kanyang panukala na ipaubaya na lamang ang paghatak sa mga tumirik na sasakyan sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito ay matapos suspendihin ng MMDA ang operasyon ng isang towing company na may kaukulang akreditasyon dahil sa reklamo sa isa sa mga tow truck nito na sangkot umano sa anomalya sa Quezon City.
“Dapat kumilos ang susunod na liderato ng MMDA at ipagbawal ang mga private towing firm, na palaging sangkot sa pangongotong sa motorista,” saad ni Castelo. “Bukod dito, mayroon ding insidente ng panggigipit at pananakot sa mga may-ari ng hinatak na sasakyan.”
Dapat aniyang paalalahanan ang mga towing service na ang paghatak sa mga tumirik na sasakyan ng motorista ay hindi isang uri ng parusa kundi pagtulong sa mga ito, ani Castelo.
Posible ring maging mitsa ng aksidente ang mga tumirik na sasakyan kung hahayaan ang mga itong nakabalandra sa gitna ng kalsada at walang tumutulong, ani Castelo. (Ben R. Rosario)