BAGUIO CITY - Nagbabala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Cordillera sa posibleng pagpasok ng mga bagong klase ng ilegal na droga sa rehiyon, partikular na sa lungsod, na ang target ay mga estudyante.
Inilabas ang babala kaugnay ng pagkamatay ng limang katao sa isang concert sa Pasay City nitong Mayo 22, na ang isa sa mga nasawi ay taga-Baguio.
Ayon kay PDEA-Cordillera Director Juvenal Azurin, maraming makabagong illegal drugs ang nakakalat ngayon, tulad ng green apple-flavored shabu at ng party drug na ecstacy, na ang puntirya ay mga partygoer at kabataan.
“It’s very possible na pumasok dito sa Baguio City ang mga drogang ito, dahil alam naman natin na bukod sa number one tourist destination ay sentro rin tayo bilang educational center. Kaya dapat pag-ingatan ito ng ating kabataan at makipagtulungan sa amin, kapag may nakita silang ganitong uri ng droga,” pahayag ni Azurin.
Maging ang Baguio Associations Bars and Entertainment Society (BABES) ay nababahala sa mga bagong droga na posible ring makaapekto, hindi lamang sa negosyo, kundi maging sa mga manggagawa sa night shift.
Ayon kay Allan Bandoy, presidente ng BABES, handa silang makipagtulungan sa mga law enforcement agency laban sa ilegal na droga. “Once na may mapatunayan tayong bar establishment na ginagamit bilang drug den, even entertainers na gumagamit ng droga, ay kami mismo ang magpapasara sa kanila.”
Payo naman ni Azurin sa kabataan na maging mapili sa mga kakaibiganin, idinagdag na maraming maaaring mapagkaabalahan kaysa paggamit ng ilegal na droga, tulad ng sports, community at religious activities.
(Rizaldy Comanda)