Pangungunahan ni United States (US) Ambassador to the Philippines Philip Goldberg ang paggunita ng Memorial Day sa Manila American Cemetery sa Taguig City, ngayong Linggo.
Sa pahayag ng US Embassy sa Manila, ang Memorial Day ay isang American federal holiday na ginugunita sa huling Lunes ng Mayo upang magbigay-pugay sa mga nasawi sa pagtatanggol sa kalayaan at demokrasya habang nagsisilbi sa US Armed Forces.
Inaasahan ang pagdalo sa programa ng ilang opisyal ng gobyerno ng Pilipinas, mga miyembro ng diplomatic at consular corps, at mga miyembro ng American at Filipino veteran communities.
Inihayag din ng US Embassy na sarado sa publiko ang kanilang tanggapan bukas, Mayo 30, sa paggunita sa naturang okasyon at magbabalik ang regular na operasyon nito sa Martes.
Ipinaskil ni Goldberg sa kanyang Twitter account na nais pa rin niyang gugulin ang mga natitirang buwan niya bilang US ambassador sa Pilipinas kasunod ng pagtalaga ni US President Barack Obama kay Sung Kim, special representative ng North Korea Policy at dating US envoy to South Korea, bilang bagong US Ambassador to the Philippines. (Bella Gamotea)