MARAMING pagbabago ang inaasahan sa susunod na administrasyong Duterte. Walang dudang agad na aaksiyunan ng bagong presidente ang mga ipinangako niya noong kampanya upang masugpo ang ilegal na droga sa bansa sa susunod na loob ng tatlo hanggang anim na taon. Gagawin niya ang lahat upang maipatupad ang Reproductive Health (RH) Law na pinagtibay sa panahon ng administrasyong Aquino. Pakikilusin niya ang militar at pulisya sa isang kampanya na magbubunsod ng kapayapaan at kaayusan sa Mindanao.
Gayunman, may mga programang nangangailangan ng suporta mula sa sangay ng lehislatibo ng gobyerno. Sa kanyang panawagan para sa pagbabalik ng parusang kamatayan para sa matitinding krimen, halimbawa, kailangan munang magpasa ng batas ang Kongreso, alinsunod sa Konstitusyon. May mga probisyon na ang RH Law na layuning limitahan ang paglobo ng populasyon, ngunit ang panawagan ni President-elect Duterte para sa three-child policy ay mangangailangan ng isang bagong batas na magtatakda rito bilang isang pangunahin at pambansang polisiya.
Mayroon ding mga pagbabago na mangangailangan ng pag-amyenda sa konstitusyon, gaya ng pagbabago sa uri ng pamamahala sa Pilipinas batay sa isang estadong pederal. Para rito, dapat na magpatupad ng isang Constitutional Convention, o maaaring aprubahan ng Kongreso ang pag-amyenda sa pamamagitan ng pagkalap ng three-fourths na mga boto ng lahat ng kasapi nito.
Upang maisakatuparan ito at ang iba pang kinakailangang pagbabago, hinimok ang susunod na presidente na sumailalim sa proseso ng konsultasyon at pagpaplano batay sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), na itinatag sa bisa ng Republic Act 7640 noong 1992 sa panahon ng administrasyong Ramos.
Ang LEDAC ay isang advisory body na pinamumunuan ng presidente. Kabilang sa mga miyembro nito ang bise presidente, Senate president, House speaker, pitong miyembro ng Gabinete, tatlong kasapi ng Senado, tatlong miyembro ng Kamara, at isang kinatawan ng bawat isa sa mga lokal na pamahalaan, sektor ng kabataan, at pribadong sektor.
Ipinaalala ni Senator-elect Win Gatchalian na may naging mahalagang tungkulin ang LEDAC sa panahon ng administrasyong Ramos at tinipon nito ang mga opisyal ng gobyerno sa mga regular na pulong na masusing tumalakay sa mahahalagang usapin, problema at programa na nangangailangan ng pag-aksiyon ng Kongreso.
Kailangan ni President-elect Duterte ang lahat ng tulong na makukuha niya upang maisakatuparan ang lahat ng kinakailangang pagbabago na pinaplano niya. Pumipili siya ngayon ng maraming mahuhusay na opisyal para sa kanyang gabinete at para sa iba pang mga tanggapan sa sangay ng ehekutibo. Ang mga pagbabagong kinakailangan niyang ipatupad ay nangangailangan ng suporta ng maraming mamamayan, gaya ng nasa Kongreso at iba pang ahensiya ng gobyerno, at pribadong sektor.
Ang LEDAC ay isang matatag na institusyon na napatunayang malaki ang naitulong sa mga nakalipas na administrasyon, bagamat hindi masyado sa papatapos na administrasyong Aquino. Maaari itong magamit ni President-elect Duterte upang maginhawa niyang maipatupad ang kanyang mga programa para sa malawakang pagbabago sa bansa.