Naisalpak ni Dwight Saguigit ang free throw sa huling 1.5 segundo para sandigan ang Olivarez College sa makapigil-hiningang 79-77 panalo sa reigning NCAA champion Letran sa 22nd Fr. Martin Cup Summer Basketball Tournament kamakailan, sa Coyuito gymnasium sa San Beda College-Manila campus sa Mendiola.

Walang kaba si Saguiguit sa foul line nang ma-foul ni McJour Luib, sapat para ibigay sa Sea Lions ang ikatlong panalo sa anim na laro sa pagtatapos ng elimination assignment sa pre-season sa Group B.

Sa kabila ng kabiguan, umusad ang Knights, sa pangangasiwa ni coach Jeff Napa, sa quarterfinal round tangan ang 5-1 marka.

Hataw si Saguiguit sa natipang game-high 19 na puntos, habang kumana sina Pruvil Bermudes at Jboy Solis ng 15 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Ito ang ikalawang “giant killer” win ng Sea Lions na nanaig din sa defending champion Jose Rizal University-A, 78-70.

Sa junior division, nanguna ang reigning UAAP titlist National University Bullpups sa Group B nang magwagi sa Hope in Hopes para sa 7-1 karta, katulad ng University of Perpetual Help Junior Altas.

Nasungkit naman ng Far Eastern University Baby Tamaraws ang semifinal slot sa Group A na may 7-1 karta.

Nagwagi naman ang Ateneo de Davao Blue Squires kontra La Salle Greenhills, 51-47, gayundin sa San Sebastian Staglets, 68-55.