Isang hard-hitting columnist ang binaril at napatay ng dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo sa loob ng kanyang watch repair stall sa Quiapo, Manila, kamakalawa ng gabi.
Dead on arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Alexander “Alex” Balcoba Sr., 55, kolumnista ng pahayagang People’s Brigada, director ng Manila Police District Press Corps (MPDPC), at residente ng 1950 Kusang-Loob Street, Sta. Cruz, Manila, bunsod ng tinamong isang tama ng bala sa ulo.
Batay sa ulat ni SPO2 Richard Escarlan, dakong 7:10 ng gabi nitong Biyernes nang mangyari ang insidente sa harap mismo ng stall ni Balcoba sa 725 Quezon Blvd. sa Quiapo.
Naghahanda na umanong umuwi si Balcoba dahil may kaibigan itong dadalaw sa kanilang bahay, nang bigla na lang lapitan at barilin ng hindi kilalang suspek, gamit ang isang kalibre .45 pistola.
Wala naman ni isa sa mga kasama ni Balcoba ang nakakita sa mukha ng suspek dahil may kani-kaniyang ginagawa ang mga ito nang isagawa ang krimen.
Isa naman sa mga kasama ni Balcoba sa stall ang nakakita sa tumatakas na suspek, na may hawak na helmet, habang naglalakad patungo sa get away motorcycle nito.
Hinabol pa umano niya ito at pinukol ng bato sa likod ngunit hindi ito lumingon man lamang kaya hindi niya ito namukhaan, at patuloy na tumakas patungo sa southbound ng Quezon Boulevard.
Samantala, mariing kinondena ng pamunuan ng MPDPC, sa pangunguna ng pangulo nito na si Kiko Naguit, ng Metro Today, ang pagpatay kay Balcoba at nanawagan ng hustisya para rito.
“Even as we at the NPC condoles with the family and friends of Balcoba and join their call for justice, we also call on the government not to again use the excuse of first establishing whether his death is ‘work related’ or not before acting with seriousness and determination in solving it,” pahayag ni Gutierrez. (Mary Ann Santiago)