KAPANALIG, isa sa mga konsepto na dapat bigyang-pansin nating mga Pilipino ay ang human-rights based approach for development programming.
Marami ang hindi nakakaalam nito, kaya hindi natin nabibigyan ng halaga at sapat na atensiyon sa public sphere.
Umaaray na lamang tayo kapag ang karapatang pantao na natin ang nasasagasaan. Pero hindi natin alam na may paraan pala para maging isang matibay na pagsasanay sa pamamahala at pagpapaunlad ang pagkilala at pagprotekta ng karapatang pantao.
Ayon sa UNICEF, ang human-rights based approach in development planning ay isang proseso ng human development na base sa pinagkasunduang international human rights standards na nagsusulong at nagpoprotekta ng karapatang pantao.
Layunin nito na suriin ang hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan, na siya namang pangunahing isyu sa ating bansa ngayon.
Hindi nga ba’t sinasabi natin na gusto nating umunlad ang ekonomiya ng bansa, hanggang sa magkabilang dulo ng “spectrum” ng antas ng pamumuhay? Ang human-rights based approach, kung ating isusulong, ay makakasagot sa isyu na ito.
Ayon nga sa Asian Development Bank, sa pag-aaral nito noong 2014 (Asian Development Outlook 2014 Fiscal Policy for Inclusive Growth), ang ating GDP ay pinakamataas sa Southeast Asia. Kaya nga lamang, hindi ito maramdaman dahil sa malaking pagkakaiba ng mga kinikita ng tao. Ayon sa Family Income and Expenditure Survey (FIES), simula 2003 hanggang 2009, ang pinakamahirap sa atin ay 5% lamang ng kita ng bayan ang hawak. Dahil nga sa kahirapan, marami ang nagagalit at nagnanais na mabago ito kahit pa labag na sa karapatang pantao ang gagawing paraan. Taong 2003 pa ganyan kababa ang share ng poorest of the poor. Ilang administrasyon na ang nakaranas nito, at lahat sila ay nahirapan.
Hindi natin kailangan maghasik ng lagim upang matakot ang mga tao at mga institusyon na isulong ang pagkakapantay-pantay. Ito ay isang pambansang hangarin, at hindi kailangan mang-api. Inuulit lamang natin ang problema sa ganitong taktika. Sa ganitong sitwasyon, ang pinakamahirap ang unang-unang naaapektuhan. Sila kasi ang madalas masangkot sa human rights violations.
Suriin muna natin, Kapanalig, ang mga paraan na nais nating gamitin, at bigyang-puwang ang human rights based approach to development sa ating bayan. Sentro rin nito ang dignidad ng bawat tao, na laging tinataas ng panlipunang turo ng Simbahan. Buhay ang nakataya rito, Kapanalig. Walang sinumang makapagsasabi sa kapwa niya na ang buhay ng isa ay mas mahalaga sa iba. Ayan din ang kahulugan ng pagkakapantay-pantay. Lahat tayo mahalaga. Sa puntong ito, gisingin nawa tayo ng mga kataga mula sa Solicitud Rei Socialis na nagsasabing: “At stake is the dignity of the human person, whose defense and promotion have been entrusted to us by the Creator.”
Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)