Tampok ang mga tinaguriang collegiate rival ngayong hapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 2016 Fil Oil Flying V Preseason Premier Cup sa nakatakdang tapatan ng San Beda at Letran at ng kasalukuyang league leader La Salle at Ateneo sa San Juan Arena.

Ang Knights, kasalukuyang nasa adjustment period dahil sa pagkawala ng kanilang mga key players at pagkakaroon ng bagong coach sa katauhan ni Jeff Napa, ay sasagupa kontra Red Lions ganap na 2:00 ng hapon.

Taglay ang barahang 2-3, kakailanganin nang Knights ang consistency sa laro ng kanilang bench bilang suporta kina Rey Nambatac at Jom Sollano.

Sa panig ng Red Lions, ang defending champion ng torneo na may kartang 3-1, magtatangka ang mga ito na makabawi sa pagkatalong nalasap sa kamay ng Knights noong nakaraang NCAA finals.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Para sa tampok na laban, inaasahan ang mainit ding tapatan ng UAAP archrival Ateneo at La Salle na tiyak namang dadagsain ng kanilang mga fans, alumni at tagasuporta.

Nakatakda ang laban ganap na 4:00 ng hapon kung saan tatangkain ng Green Archers na makamit ang ikalimang sunod na tagumpay habang magsisikap naman ang Blue Eagles na maiposte ang ika apat na dikit na panalo pagkaraang mabigo sa unang laro sa kamay ng University of the East.

Huling ginapi ng Blue Eagles ang Lyceum of the Philippines University, habang huling biktima ng La Salle ang San Beda

Sasandigan ni national team coach Tab Baldwin ang Blue Eagles na pangungunahan nina Thirdy Ravena at transferee na sina CCHJ Perez, Aaron Black at ang kambal na sina Mike at Matt Nieto.

Sa iba pang laro, magtutuos ang Emilio Aguinaldo College sa unang laban ganap na 9:30 ng umaga na susundan ng salpukan ng College of St. Benilde at reigning UAAP champion Far Eastern University ganap na 11:15 ng umaga.

(Marivic Awitan)