Naghain ang Office of the Ombudsman ng kasong graft and corruption laban kina Supt. Elizabeth Milanes at Supt. Digna Ambas, ng Philippine National Police (PNP) Health Service, dahil sa umano’y anomalya sa recruitment ng mga aplikante sa PNP.

Bukod sa paghahain ng kasong kriminal, ipinag-utos din ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pagsibak sa serbisyo kina Milanes at Ambas matapos ideklarang guilty sa kasong administratibo na grave misconduct.

Hindi na rin, aniya, makahahawak ng ano mang posisyon sa gobyerno ang dalawang opisyal ng PNP at ipinababawi rin ng Ombudsman ang kanilang retirement benefits.

Base sa imbestigasyon ng PNP Regional Investigation and Detective Management Group, minanipula nina Milanes at Ambas ang resulta ng medical examination ng mga police applicant.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Apatnapu’t isang police trainee ang tumestigo na nagbayad sila para sa medical examination at bakuna, pero walang ibinigay na official receipt sina Milanes at Ambas.

Lumitaw din sa imbestigasyon na maraming police applicant ang nadiskuwalipika pero hindi binigyan ng resulta ng eksaminasyon at isinagawa ang medical screening ng mga on-the-job trainee nang hindi pinangasiwaan ng mga tauhan ng PNP Health Service.

Nakasaad din sa charge sheet na pinayagan ng mga respondent ang E. Indiongco Diagnostic Laboratory na magsagawa ng medical exam bagamat hindi ito idinaan sa bidding at gumamit din ng office space na walang kabayaran. (Jun Ramirez)