Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagsibak sa serbisyo sa dalawang opisyal ng barangay sa Quezon City dahil sa umano’y pag-iisyu ng 60 tseke para sa ghost project sa kanilang lugar.
Sa 17-pahinang desisyon na inaprubahan ni Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang, idineklara ng Ombudsman na guilty sa kasong grave misconduct sina Barangay Chairman Manuel Guari at Susana Ugaldo, treasurer.
Bukod dito, kinansela rin ng korte ang eligibility ng dalawa, pinababawi ang kanilang retirement benefit, at hindi papayagang makahawak ng ano mang puwesto sa gobyerno.
Base sa reklamong natanggap ng Ombudsman, nag-isyu ng tseke noong Pebrero at Marso 2014 sina Guarin para kay Ugaldo, sa Enthel Trading and Construction at Mymyte catering service na walang sapat na dahilan.
Sinabi ng pitong complainant, na pawang kagawad ng Barangay Payatas, na walang isinagawang public bidding sa paglalaan ng pondo dahil ang mga tseke ay inisyu bago pa man nakumpirma si Ugaldo bilang treasurer ng barangay noong Marso 4, 2014, at bago naaprubahan ng city council ang budget para sa barangay noong Marso 6, 2014.
Sa isang joint affidavit, sinabi ng mga kinasuhan na si Ugaldo ay nakumpirma bilang barangay treasurer noong Enero 28, 2014, sa pamamagitan ng Barangay Payatas Resolution Number 001 Series of 2014, kaya may awtorisasyon siya na mag-isyu at lumagda sa mga tseke noon pang Pebrero 7, 2014.
“Certainly, issuing checks against the funds of the barangay without proof of valid expenditures and without showing that it benefitted barangay Payatas constitute grave misconduct. The elements of corruption and willful intent to violate the law are clearly reflected in the acts complained of which should not go unnoticed,’’ nakasaad sa desisyon ng Ombudsman. (Chito A. Chavez)