Kinastigo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang lahat ng towing company operator na accredited ng ahensiya matapos na dumagsa ang reklamo, kabilang ang illegal towing, mataas na singil at pangingikil, laban sa mga ito.
Sinabi ni Crisanto Saruca, pinuno ng MMDA Traffic Discipline Office, na isasailalim niya sa pagsusulit at seminar ang lahat ng towing personnel at maging ang mga operator nito.
“Passing grade is 100 percent, there should be no mistake,” sinabi ni Saruca sa nagtipong towing operators sa ipinatawag niyang emergency meeting.
Nag-lecture rin si Saruca sa mga towing operator tungkol sa wastong proseso ng towing na lantaran umanong nilalabag ng mga ito.
“The habit of your crews to drive vehicles to be towed is prohibited. It’s a criminal offense,” paalala ni Saruca sa mga operator.
Para sa mga sasakyang ilegal na nakaparada, sinabi ni Saruca na hindi dapat i-tow ang sasakyan at mag-isyu na lang ng ticket.
Pinuna rin niya ang pananamit at uniporme ng mga towing personnel, at idinagdag na sa mga susunod na araw ay magsasagawa ang MMDA ng random drug testing at emission testing sa lahat ng tow truck.
Ito ang naging tugon ng MMDA matapos i-post ni Kristen Ann Uy sa Facebook ang reklamo niya sa pagmamaneho ng dalawang towing crew sa kanyang sasakyan sa Broadway sa Quezon City nitong Martes. (Anna Liza Villas-Alavaren)