IKA-28 ngayon ng Mayo. Isang pangkaraniwang araw ng Sabado ngunit sa kasaysayan ng Pilipinas, mahalaga at natatangi ang araw na ito sapagkat ipinagdiriwang ang “National Flag Day” o ang Pambansang Araw ng Watawat na isa sa mga simbolo ng kalayaan ng ating bansa. Ayon sa kasaysayan, ang kahalagahan ng araw na ito ay nakaugat sa mga naganap noong Mayo 28, 1898. Matapos ang madugong labanan sa Alapang, barangay sa pagitan ng Imus at Kawit, Cavite, buong galak na itinaas at iwinagayway ni Heneral Emilio Aguinaldo ang bandila ng Pilipinas bilang tanda ng tagumpay ng mga Pilipino laban sa mga Kastila.
Ang pangyayaring ito sa kasaysayan ang unang pagkakataon na iwinagayway ang bandila ng Pilipinas bagamat ang opisyal na pagtataas ng ating bandila ay naganap noong Hunyo 12, 1898 nang ipahayag ang Araw ng Kalayaan sa Kawit, Cavite.
Ang bandila ng Pilipinas ay tinahi ni Gng. Marcela Agoncillo, isang matalino, maganda at makabayan na taga-Taal, Batangas sa tulong ng kanyang anak na si Lorenza at pamangkin ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na si Delfina Herbosa Natividad.
Bilang pagkilala sa Mayo 28, 1898, nilagdaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang Executive Order No.179 noong Mayo 24, 1994 na nag-aatas na simula Mayo 28 hanggang Hunyo 12, ay ipagdiriwang ang Araw ng Kalayaan na isang magandang pagkakataon sa lahat ng Pilipino na isipin ang kahalagahan ng pambansang watawat.
Bukod sa Executive Order No. 179, itinatakda ng Republic Act No. 849 na mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12 ng bawat taon bilang mga araw ng Pambansang Watawat. Sa panahong nabanggit, lahat ng taggapan, opisina, ahensiya at instrumentalities ng pamahalaan, mga paaralan, at mga pribadong tahanan at business establishment na magkakabit ng bandila ng Pilipinas. Ang Republic Act No. 849 ay nagpapagunita sa bawat Pilipino na ang pambansang watawat ng Pilipinas ay ang tanging sagisag ng bansa na nagpapakita ng pagkakaisa ng bawat bayan, lalawigan, rehiyon at ethno-linguistic.
Ang bandila ng Pilipinas ay sagisag ng pagiging makabayan, pag-ibig sa bansa at mabuting hangarin at damdamin ng mga mamamayang Pilipino sa paghahangad ng kalayaan at kasarinlan. Bukod dito, ang bandila ng Pilipinas ay dinala ng ating mga bayani sa digmaan. Inspirasyon ng mga makabayan na lumaban at nagbuwis ng buhay alang-alang sa kalayaan na tinatamasa natin ngayon. (Clemen Bautista)