Hindi nababahala si Pangulong Aquino sa paglipat ng ilang miyembro ng Liberal Party (LP) sa kampo ni presumptive president Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Aquino na maliit lamang na partido ang LP nang sumali siya sa grupo at lumaki na lamang ito nang siya ay maluklok sa Malacañang.

“Well, naintindihan natin iyon,” pahayag ni Aquino sa ambush interview sa Tarlac.

Aniya, may kanya-kanyang dahilan ang mga mambabatas kung bakit nila inabandona ang LP, lalo na kung mas malaking benepisyo ang kanilang makukuha sa lilipatang partido.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Iginiit pa ni PNoy na kung mayroong naglipat-bakod, mayroon din namang tapat pa rin sa LP.

“Siguro maganda rin nito, marami-rami rin naman ang naiwan sa atin at baka—ang pagkaintindi ko meron pang ibang nagbabalik or nagpaplanong bumalik sa atin,” ayon pa kay Aquino, na nakatakdang bumaba sa puwesto sa Hunyo 30.

Hindi rin, aniya, balakid ang paglilipat-lipat ng partido pulitikal sa pagtulong sa mga lokal na pamahalaan.

“Hindi nila ako tinulungan noong kampanyang iyon at nagugulat sila sa itinulong namin sa kanilang bawat lalawigan.

At dahil doon, kumbaga hindi namin kasama noong araw ay gusto din nilang sumama sa amin lalo na nitong tail end nitong ating administrasyon,” aniya.

“So doon ikinagagalak ko na rin. Para bang kinikilala nila na talaga namang marami tayong pinag-ambagan… na ‘yung ating mata walang tinitingnang kulay na kabahagi,” dagdag ni Aquino. (MADEL SABATER-NAMIT)