Cavaliers Raptors Basketball

LeBron, hataw sa pagsibak ng Cleveland sa Raptors.

TORONTO (AP) — Inilagay ni LeBron James ang kapalaran ng Cleveland Cavaliers sa kanyang mga kamay.

Ratsada si James sa 33 puntos – kauna-unahang 30 plus na marka sa kabuuan ng postseason – habang kumana si Kevin Love ng 20 puntos at 12 rebound para sandigan ang Cavaliers sa 113-87 panalo kontra Toronto Raptors sa Game Six ng Eastern Conference finals nitong Biyernes ng gabi (Sabado sa Manila).

BALITAnaw

#BALITAnaw: Hiwalayan ng mga celebrity couple na nagpayanig sa 2024

Naisara ng Cavs ang best-of-seven conference series sa 4-2 at makausad sa NBA Finals sa ikalawang sunod na taon at ikatlo sa kasaysayan ng prangkisa.

Nagapi ang Cavaliers ng Golden State Warriors, 4-2, sa nakalipas na season at winalis ng San Antonio Spurs noong 2007.

Para sa career ni James, ikaanim na niyang biyahe ito sa Finals, kabilang ang apat sa koponan ng Miami Heat.

“We needed LeBron to set the tone for us early and I thought he did that,” pahayag ni coach Tyronn Lue, patungkol kay James na humugot din ng 11 rebound at anim na assist.

Tinanghal si James na ikawalong player sa kasaysayan ng NBA na makapaglalaro sa anim na sunod na NBA Finals at kauna-unahang hindi miyembro ng Boston Celtics.

“He’s just a great player,” sambit ni Lue.

“He’s a proven winner. He’s always won over the course of his career. To go to six straight finals is unbelievable.”

Nakabalik sa NBA Finals si James matapos pabagsakin ang matikas na Toronto team, gumawa ng franchise record na 56 na panalo sa regular season at makausad sa conference finals sa kauna-unahang pagkakaton sa nakalipas na 21 season.

Nag-ambag si Kyrie Irving ng 30 puntos, habang kumubra si J.R. Smith ng 15 puntos.

Haharapin nila ang magwawagi sa duwelo ng Golden State at Oklahoma City simula sa Huwebes (Biyernes sa Manila).

Kung sakali, sisimulan ng Cleveland ang kampanya sa home game laban sa Thunder at sasabak sa road game kung ang makakatapat ay ang Warriors, naghahabol sa 3-2 sa Oklahoma City para sa Game 6 sa Sabado (Linggo sa Manila).

Nagsalansan si Kyle Lowry ng 35 puntos, habang kumana si DeMar DeRozan ng 20 puntos sa Raptors, na walang nagawa kundi ang maluha sa harap ng sellout crowd na 20,605.